Home NATIONWIDE Zero backlogs target ng Napolcom sa Dis. 2025

Zero backlogs target ng Napolcom sa Dis. 2025

MANILA, Philippines- Nangako ang National Police Commission (Napolcom) nitong Biyernes na reresolbahin lahat ng natitirang kaso sa Disyembre 2025.

Sa press conference sa Quezon City, tumugon si Napolcom vice chairperson and executive officer Atty. Rafael Vicente Calinisan sa kasalukuyang viral incidents na kinasasangkutan ng uniformed personnel.

“Marami pang sunod-sunod na pangyayari ng nahuli, nakasuhan, pero binabanggit ko na hindi ito ang kabuuang repleksyon, ugali ng PNP pero nakakagalit. Malungkot na malungkot ako, bordering on nagagalit na ko, kasi di yan isolated incident eh. Yung nagsasabi na isolated incident, kasinungalingan yun… Hindi to isolated. Mayroong kailangan na baguhin sa current na setup ng Philippine National Police,” pahayag ni Calinisan.

“Sa lahat naman ng nakikita nating balita, isa lang naman nakikita nating pangyayari. Yung sunod-sunod na pangyayari, I don’t think it’s isolated. I will lie to you if I say it’s isolated… We have to embrace and accept na may nangyayari. Ang tanong, what are we doing about it?” dagdag niya.

Sinabi niyang nakaapekto ang pagkaantala sa pagtugon sa pending cases sa tiwala ng mga tao sa Napolcom, dahil ilang kaso ang inabot ng dekada bago maresolba.

Dahil dito, nangako siyang ikakasa ang processing time ng mga kaso sa 60 hanggang 80 araw mula sa paghahain.

“Libo ang pending na kaso. Nung isang araw lang, mayroon kaming niresolve na 18-year case, mayroon kaming naresolve na 21-year case… I am now part of the Commission, I cannot point fingers on what we can do now. Lilinisin natin lahat ‘yan. Ang instruction natin, i-zero backlog natin lahat ng kaso by December 2025,” aniya.

“Punishment must be certain, and under our term, we will make sure that punishment is certain to abusive acts…Let me be clear, and again I stress, the moral and welfare of our policemen is of paramount importance. Hindi ito ang repleksyon ng kung sino ang pulis natin. Kaya [para sa] nagawa ng sunod-sunod na pangyayaring ito, maghanda kayo sa National Police Commission dahil sasampolan namin kayo. Tapos na ang maliligayang araw ninyo,” patuloy ng opisyal.

Samantala, binanggit niya ang pangangailangan para sa multi-sector approach upang masimulan ang pagbabago sa mga uniformed personnel.

“We also have to look into the recruitment process of the PNP. Maybe there’s something that they’re missing. Is it a psychological problem, neuropsychological problem? Yung indocrination ba ng PNP, medyo kulang? Make it stricter,” aniya.

“Very clear sa akin ang instruction ng President, aside from the moral welfare of the PNP, is internal policy. ‘Yun din ang instruction ng ating Secretary… It’s just a matter of political will, putting more resources in, hiring more lawyers, setting deadlines for lawyers and making lawyers accountable for delays,” pagbabahagi pa niya.

“It’s just a matter of planning and discipline. Ang pinakaimportante is accountability, not just for those being sued but also for those handling these cases.”

Nagsasagawa na ang Napolcom ng imbentaryo ng mga kasalukuyang kaso. RNT/SA