HINDI binigyan ng subsidiya ng Kongreso ang Philippine Health Insurance Corporation (PHILHEALTH) para sa taong 2025 dahil sa napag-alamang nasa Php 600 bilyon reserve fund nito.
Paliwanag ni Senator Grace Poe na siyang chairperson ng Senate Finance Committee, napagdesisyunan ito matapos mapansin ng mga mambabatas na ang inilalaang subsidiya ng pamahalaan ay hindi naman ginagamit ng PHILHEALTH kundi inilalagak sa isang bank account na aniya ay maliit lamang ang kinikitang interes.
Ang hindi pagbibigay ng subsidiya ay para gamitin muna ng health insurance corporation ang nakalaang reserve fund nito. Habang ang pera sanang ilalaan sa kanila ay inilaan muna ng Kongreso sa mga sektor na tunay na nangangailangan ng pondo.
Tingin naman ni opposition senator Risa Hontiveros na hindi makatarungan ang hakbang ng Bicameral Conference na hindi bigyan ng pondo para sa subsidiya ang PHILHEALTH.
Nabahala ang senadora na ang pagtanggal ng suporta para bayaran ang premium contribution ng mga pinaka-bulnerableng sektor ay pagtanggi sa karapatan ng mga Filipino sa kalusugan.
Kung walang susuporta para sa PhilHealth monthly contribution, ano na gagawin nila kung sila ay nagkasakit at walang pambayad sa monthly contribution? Hahayaan na lang ba maging malala ang kanilang sakit?
Naniniwala din siyang iligal at paglabag sa Saligang Batas ang naging desisyon ng BICAM. Isa rin umano itong malaking dagok sa implementasyon at pagsusulong ng Universal Health Care.
Nakasaad aniya sa UHC Law na obligasyon ng pamahalaan na bayaran ang kontribusyon ng mga indirect members kung saan nabibilang ang mahihirap, senior citizens, at persons with disabilities.
Binigyang-diin ng oposisyong senador na obligasyon ng gobyerno na bayaran ang “premiums” ng mga indirect contributors, kabilang ang mahihirap, mga senior citizen at mga taong may kapansanan.
Paliwanag pa ng senadora, hindi maaaring gamitin ang reserve fund dahil para umano iyong emergency fund para sa mga obligasyong pinansiyal nito sa hinaharap.
Kung dahil sa pagkakamali at kakulangan ng mga namumuno sa PHILHEALTH, hindi dapat aniya idamay o maapektuhan ang mga miyembro ng walang pambayad sa buwanang kontribusyon.