MANILA, Philippines – Handa na ang Bureau of Corrections (BuCor) sa posibilidad na matuloy na ikulong sa Correctional Institution for Women (CIW) si Atty. Zuleika Lopez, ang chief of staff ni Vice President Sara Duterte.
Sinabi ni BuCor Director Gregorio Pio Catapang Jr. na naayos na nila ang maaring maging kuwarto ni Lopez na malaki, kumportable at may air conditioning unit.
Ang nabanggit na kwarto aniya ay katabi lamang ng detention room ni Cassandra Ong na may kaso kaugnay sa iligal na operasyon ng Philippine offshore gaming operations (POGO).
Sinabi ni Catapang na gaya ni Ong, ihihiwalay si Lopez sa ibang inmate.
Tiniyak rin ni Catapang na mayroon medical team ang BuCor na handang asikasuhin ang medikal na pangangailangan ni Lopez.
Si Lopez ay pina-contempt ng Kamara dahil sa hindi nararapat na panghihimasok umano sa isinasagawang pagdinig hinggil sa confidential funds. TERESA TAVARES