MANILA, Philippines – Dinala sa Veterans Memorial Medical Center sa Quezon City si Undersecretary Zuleika Lopez ng Office of the Vice President matapos sumama ang pakiramdam, ilang sandal matapos ipag-utos ng Kamara ang paglilipat sa kanya sa Women’s Correctional Facility.
Sinamahan si Lopez ni Vice President Sara Duterte.
“Nagsuka siya nang nagsuka tapos nag collapse,” ani Duterte.
Kalaunan ay inilipat si Lopez sa St. Luke’s Medical Center sa Quezon City.
Matatandaan na naging emosyonal si Lopez matapos mabahala nang magdesisyon ang House Committee on Good Government and Public Accountability na alisin siya sa House detention facility sa kalagitnaan ng gabi.
“This is a threat to my life,” aniya.
Ipinag-utos na i-detain si Lopez sa Mababang Kapulungan matapos siyang kastiguhin sa umano’y pakikialam sa imbestigasyon ng panel kaugnay sa confidential funds ni Vice President Sara Duterte.
Ang detention ay tatagal hanggang Nobyembre 25, o sa susunod na pagdinig ng komite kaugnay sa paggastos ng confidential funds ng OVP at ng Department of Education.
Matatandaan na kinumpirma ni Lopez sa komite na siya ang pumirma ng liham sa Commission on Audit, na humihiling dito na huwag tumugon sa subpoena ng Kamara kaugnay sa audit reports sa fund release.
Nitong Miyerkules, sinabi ni Lopez sa pagdinig ng Kamara na wala siyang alam kung paano ginagamit ng OVP ang confidential funds, at sinabing ang tungkulin niya lamang ay pangasiwaan ang institusyonalisasyon at implementasyon ng lahat ng socioeconomic projects ng opisina. RNT/JGC