Home OPINION 2 BAGYO SA MAYO PAGHANDAAN NA

2 BAGYO SA MAYO PAGHANDAAN NA

TAG-ULAN o basta na lang umuulan sa ibang mga bansa.

Dahil tag-ulan o basta na lang umuulan nang wala sa panahon, nagkakaroon din ng mga baha, landslide at iba pa na perwisyo sa buhay at ari-arian.

Sa Kenya, mahigit nang 170 ang patay dahil sa matinding ulan at pagsabog ng isang dam nito.

Sa karugtong nitong bansa na Tanzania, 155 katao rin ang nasawi sa baha.

Sa Pakistan, may 36 patay sa kidlat at baha at sa karugtong nitong bansang Afghanistan, may 33 patay.

Sa China, nitong nakaraang linggo, may 28 patay, kasama ang 24 na nahulog sa bangin, makaraang magiba ang isang highway pero mahigit 3.5 milyon katao ang nabaha.

May nagiba ring dam sa bansang ito.

Kamakailan lang din, sumabog ang isang malaking dam sa Russia dahil sa matinding ulan at lumikha ng napakatindi at malawak na baha.

Libo-libo sa Russia at Kazakhstan ang nagbakwit.

Hindi natin isinali ang matitinding pinsala sa iba pang mga bansa sa Africa at sa South America na dinale rin ng masasamang panahon mula Pebrero hanggang Abril ngayong taon.

Sa kabuuan, mga Bro, grabeng pinsala sa hanapbuhay at ari-arian ang nasira sa mga bagyo, pag-ulan at baha na naganap sa mga bansang ito.

Halos iisa ang sinasabi ng mga biktima ng mga sama ng panahon, “Nawala ang lahat!”

2 BAGYO DARATING

Sinasabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration na maaaring may dalawang bagyong maganap sa Pinas ngayong buwan ng Mayo.

Katulad din ba sila ng bagyong nanalasa kamakailan sa China na isang super bagyo at may kasamang malakas na ulan?

Asahan na lang natin na ang pinakamasamang anyo ng bagyo at ulan ang darating.

At siyempre pa, kakambal ng mga ito ang malalakas na pagbaha na nagbubunga ng mga landslide at paggiba ng dam.

Sa ganitong paghahanda sa darating na bagyo, kahit papaano, mas matindi ang ating mga paghahanda.

Sa parte man ng pamahalaan o sa mga mamamayan.

Swerte lang tayo kung mahina ang mga bagyong darating at mahina rin ang pag-ulan ng mga ito.

ILANG PAGHAHANDA

Gaya ng dati, mga Bro, naririyan pangunahin ang paghahanda ng pamahalaan at nakabatay ito sa anunsyo ng PAGASA.

Kung malakas ang bagyo, mabigat din ang paghahanda gaya ng maagang maramihang pagbabakwit at paghahanda ng pangmatagalang ayuda sa mga evacuation center.

May kasama ring pangrehabilitasyon.

Sa parte naman ng mga mamamayan, sari-sari ang mga paghahanda.

Boluntaryong pagbabakwit, maagang pag-aani ng mga pananim o sa mga palaisdaan o pagbabakwit ng mga hayop.

Sa mga kalunsuran lalo na, pag-aangat sa mga second floor ng gamit, pagbabakwit sa matataas na lugar ng mga sasakyan, pagpatay ng mga kuryente sa mababang lugar na may mga mabibigat na makinarya.

Hindi pagpasok sa mga iskul at pagawaan at tanging ang mga pangkalamidad at emergency na pwersa ang papasok, kasama ang mga pulis at sundalo at iba pang sangay ng pamahalaan gaya ng Department of Social Welfare and Development, nasa mga Risk Reduction Office, PAGASA at iba pa.

Sana, walang mapiperwisyo at samahan na rin ng dasal ang laban ng lahat sa bagyo, ulan, baha, landslide at iba pang nakadidisgrasyang anyo ng kalikasan.