Home METRO Border control sa Bohol vs ASF

Border control sa Bohol vs ASF

CEBU CITY – Ipinag-utos ni Bohol Gov Aris Aumentado ang mahigpit na border control matapos magpositibo sa African Swine Fever ang tatlong barangay sa Panglao Island, Bohol.

Naglabas si Aumentado ng Executive Order (EO) No. 13 na nagbabawal sa pagdadala ng mga buhay na baboy, luto o hilaw na karne, mga produktong baboy, at mga by-product mula Panglao Island patungo sa mainland Bohol at iba pang isla sa lalawigan.

Ang Panglao Island ay binubuo ng mga munisipalidad ng Panglao at Dauis. Natukoy ang mga kumpirmadong kaso ng ASF sa mga Barangay Mayacabac, Biking, at Mariveles sa Dauis.

“Nais kong humingi ng pang-unawa sa ating mga kapwa Boholano. Kailangan nating maging mahigpit dito dahil makakaapekto ito sa ating industriya ng baboy, hindi lang sa mga big-time hog breeders kundi pati na rin sa backyard hog raisers,” ani Aumentado.

Sinabi ni Aumentado na may mga checkpoints na inilagay upang suriin ang mga biyahero na nagmumula sa Panglao Island.

Ang EO ng gobernador ay inilabas noong Abril 18 at magkakabisa sa loob ng 30 araw o hanggang Mayo 18.

Habang may bisa ang EO, magkakaroon ng mga checkpoint pitong araw sa isang linggo at 24 na oras sa isang araw, ani Aumentado. RNT