Home NATIONWIDE Complainant sa kaso vs  Quiboloy pasok sa WPP ng DOJ

Complainant sa kaso vs  Quiboloy pasok sa WPP ng DOJ

MANILA, Philippines- Sinimulan na ng Department of Justice (DOJ) na iproseso ang pagpasok sa Witness Protection Program (WPP) ng isa sa complainant sa kaso laban kay Kingdom of Jesus Christ leader Pastor Apollo Quiboloy na si alyas Amanda.

Sinabi ni DOJ Undersecretary Nicolas Ty, ang paglalagay sa biktima sa WPP ay para maprotektahan ang complainant laban sa mga banta sa kanyang buhay.

Si Quiboloy ay nahaharap sa mga kasong paglabag sa Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act na nakasampa sa Davao RTC habang Qualified Human Trafficking charge ang nakasampa sa Pasig RTC.

Hiniling na rin ng DOJ sa Korte Suprema na mailipat ang venue ng pagdinig sa kinakaharap na kasong kriminal ni Quiboloy.

Ayon kay Ty, sumulat na ang DOJ sa Office of the Court Administrator (OCAD) upang madala na sa Pasig City Regional Trial Court ang kasong child abuse at maltreatment laban kay Pastor Quiboloy.

Naniniwala si Usec T. na kakatigan ng Korte Suprema ang hiling ng DOJ upang sa Pasig City RTC na lamang magsagawa ng pagdinig sa kaso ni Quiboloy. Teresa Tavares