Home NATIONWIDE DOLE naglatag ng mga alituntunin kontra ‘heat stress’

DOLE naglatag ng mga alituntunin kontra ‘heat stress’

MANILA, Philippines- Pinaalalahanan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga employer na mag-ingat mula sa heat stress.

Paalala ng DOLE, sundin ang mga patakaran sa kalusugan upang maibsan ang epekto nito sa lugar-paggawa dahil na rin sa umiinit na lagay ng panahon dulot ng El Nino.

Muling ipinaalala ng Kagawaran ang Labor Advisory No. 8, series of 2023, na nagrerekomenda ng mga hakbang upang maiwasan ang heat stress, na kinabibilangan ng paglalagay ng sapat na bentilasyon at heat insulation sa lugar-paggawa; pagsasaayos ng oras ng pahinga o lokasyon ng trabaho; paggamit ng uniporme na angkop sa panahon at personal protective equipment; at pagbibigay ng libre at sapat na inumin.

Inirerekomenda rin ang pagsasagawa ng advocacy campaign sa pagtukoy at pagtugon sa mga sintomas ng heat stress sa lugar-paggawa at pagtatatag ng mga pamamaraan at information network upang matugunan ang mga heat-related emergency.

Hinihimok din ang mga employer na magpatupad ng flexible work arrangement kung saan pinahihintulutan ang pagsasaayos ng oras ng trabaho ngunit pananatilihin ang kabuuang bilang ng oras ng trabaho sa loob ng isang araw o linggo hanggang sa bumuti ang kondisyon ng panahon.

Hinihikayat ang mga employer na makipag-ugnayan sa DOLE Regional Offices at Occupational Safety and Health Center-Regional Extension Units para sa tulong-teknikal sa pagrepaso at pagbuo ng mga hakbang sa kaligtasan at kalusugan na may kaugnayan sa pag-iwas at pagkontrol ng heat stress sa lugar-paggawa. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleBFP sa mga bibiyahe ngayong Holy Week: Appliances tanggalin sa saksakan bago umalis
Next articleLTO nakatanggap ng higit 1M plastic cards para sa pag-imprenta ng driver’s license