Home NATIONWIDE BFP sa mga bibiyahe ngayong Holy Week: Appliances tanggalin sa saksakan bago...

BFP sa mga bibiyahe ngayong Holy Week: Appliances tanggalin sa saksakan bago umalis

MANILA, Philippines- Pinaalalahanan ng Bureau of Fire Protection (BFP) nitong Martes ang mga aalis ng tahanan ngayong Semana Santa na hugutin ang saksak ng kanilang mga kagamitan at patayin ang main source ng kuryente sa kanilang bahay upang maiwasan ang sunog habang malayo sila.

Sinabi ni BFP spokesperson Fire Superintendent Annalee Atienza na maaari ring ipagbigay-alam ng mga biyahero ngayong long weekend sa kanilang pinagkakatiwalaang kapitbahay na bantayan ang kanilang tahanan.

“Dahil ngayon ay Oplan Semana Santa, ang ating laging pinapaalala kung tayo’y aalis sa ating mga bahay ay ang i-make sure na naka-switch off ang ating mga main switch ng kuryente. Ganon na rin ang LPGs natin,” anang opisyal.

“If there are instances na hindi bubunutin, huhugutin, o i-unplug ang mga appliances o mga gamit like CCTV or mga refrigerator, i-assure lang natin na ito’y hinabilin natin sa ating mga trusted na mga kapitbahay,” dagdag niya.

Gayundin, inabisuhan ni Atienza ang mga biyahero na ilista ang contact number ng pinakamalapit na fire station mula sa kanilang tahanan o direktang tumawag sa 911 sakaling magkaroon ng emergency.

May kabuuang 5,174 fire incidents na ang naitala ngayong taon, base sa BFP official. Mas mataas ito ng 26.9% kumpara sa 4,077 fire incidents na naitala sa parehong panahon noong nakaraang taon. RNT/SA