Home METRO Ginang patay sa bilas na barangay tanod

Ginang patay sa bilas na barangay tanod

BACOLOD CITY- Patay ang isang ginang matapos barilin ng barangay tanod na bilas nito makaraang hindi umano pahiramin ng pera ng una ang huli noong Martes sa lungsod na ito.

Kinilala ang biktimang si Emily Lorega, 58-anyos habang sumuko naman ang suspek na kinilalang si Joselito Salioc, 54-anyos at kapwa residente ng Brgy. 10, Victorias City.

Batay sa report ng Victorias Police Station, bandang alas-7 ng gabi nang maganap ang krimen sa nasabing lugar.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, dumating ang suspek sa bahay ng biktima na lango sa alak at nagkaroon ng pagtatalo dahil sa hindi umano pinahiram ng pera ng una ang huli.

Dito, binunot ng suspek ang .357 caliber revolver at binaril ang biktima na tinamaan sa dibdib na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.

Matapos ang krimen tumakas ang suspek at nagbaril din ito sa sarili pero makalipas ang ilang oras ay sumuko din sa mga awtoridad.

Nahaharap ngayon sa kasong pagpatay si Salioc. Mary Anne Sapico