Home OPINION HULOG NG ‘BLACK HAWK’

HULOG NG ‘BLACK HAWK’

NAIBA ang ‘style’ ng Philippine Army sa panghihikayat sa mga natitira pang miyembro ng New People’s Army sa lugar ng Aurora at Nueva Vizcaya.

Gamit ang ‘Black Hawk chopper’ ng Philippine Air Force, naglalaglag ito ng leaflets na nananawagan sa mga rebelde na mas mainam na sumuko na lamang.

Sabi ni Armed Forces of the Philippines spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, ito ay kanilang ginawa noong March 28, sa mga area ng Barangay Galintuja sa Maria Aurora, Aurora; at Barangay Lub-lub ng Alfonso Castañeda sa Nueva Vizcaya.

Mas mainam daw ito dahil ang mga lugar na nabanggit ay masusukal at mahirap abutin sapagkat bulubundukin. At para makarating ang kanilang magandang mensahe sa mga NPA, dinaan nila sa hulog ng paanyaya  gamit ang helicopter.

“Hulog na rin ng langit” na maituturing ang style na ito dahil  kung sasamantalahin ng mga NPA ang paanyaya na sumuko, may pag-asa pa silang makapamuhay na muli nang maayos.

Dahil nakasaad sa mga leaflet o paanyayang ito ang pagpapaliwanag kung ano ang Enhanced Comprehensive Local Integration Program  o ECLIP ng pamahalaan sa mga susukong peste este rebelde pala.

Ang nasabing programa ay magandang daan para sa mga NPA na nagnanais nang makapiling pa muli ang kanilang mga mahal sa buhay, pamilya, magulang o kanilang mga anak.

Kapag sila ay napasailalim ng ECLIP, pihadong gaganda rin ang kanilang kabuhayan. May kaakibat kasi itong pangkabuhayan assistance, mabibigyan sila ng kanilang mga pangangailangan sa pagbabalik muli sa tamang lipunan. Gaya ng puhunan para sa kanilang sariling nais pagmulan ng kanilang kabuhayan.

Biruin mo nga naman, kahirapan daw ang kanilang dahilan sa pagsali sa NPA na noon pang March 29, 1969 nagsimula sa kasisigaw nang kasisigaw na iaahon ang mga mahihirap, eh hanggang ngayon ay ganoon pa rin ang estado nila.

Samantalang ang mga pineste nilang mga komunidad, mga barangay na dati nilang ginugulo, ay umusad na nang kaunti mula nang mapalayas sila ng mga tropa ng pamahalaan. Kaya nabigyan daan na pumasok ang kaunlaran sa mga lugar na ito.

Kung ikaw ay isang NPA ano pipiliin mo? Ang mapatay sa pakikipaglaban sa mga enkwentro sa mga sundalong humahabol sa inyo? O sa ECLIP na siguradong babago sa buhay mo?

Saan ka lalagay? Magpapakamatay ka ba sa pakikipaglaban sa pwersang mas malakas sa inyo? O susuko at pasasailalim sa ECLIP?