Home METRO Puganteng Chinese na may rekord sa Interpol nahuli sa tulong ng BI

Puganteng Chinese na may rekord sa Interpol nahuli sa tulong ng BI

MANILA, Philippines- Naharang ng mga opisyal ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isa pang Chinese national na pinaghahanap ng mga awtoridad sa kanyang bansa dahil sa pagkakasangkot sa online gambling.

Sa ulat kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, sinabi ng BI-Interpol unit na naharang ang pasahero noong Abril 17 sa NAIA terminal 1 matapos tangkaing sumakay ng Xiamen Airlines flight papuntang China.

Ang pasahero, na ang pagkakakilanlan ay hindi ibinunyag bilang pagsunod sa mga protocol ng Interpol, ay iniulat na may blue notice hit sa Interpol derogatory system ng BI, kaya’t isinailalim ito sa pangalawang inspeksyon.

Agad na ipinagbigay-alam ng immigration supervisor na naka-duty, matapos ma-verify na ang pasahero at ang taong may derogatory record ay iisa at pareho, ang impormasyon sa interpol unit ng BI.

“He was arrested upon arrival at the Xiamen airport as Chinese authorities were already informed about his arrival,” ani BI-Interpol acting chief Jaime Bustamante.

Batay sa rekord ng Interpol, ang pugante na Chinese ay inakusahan na miyembro ng isang criminal syndicate na nagpapatakbo ng mga ilegal na online gambling sites sa Internet na mahigpit na ipinagbabawal sa ilalim ng mga batas ng China.

Inakusahan ng mga awtoridad ng China na ang inarestong suspek at kanyang mga kasamahan ay nagpapatakbo ng isang gambling website at gumamit ng iba’t ibang mga pamamaraan upang dayain ang kanilang mga customer bilang resulta kung saan sila ay nakinabang mula sa perang nawala ng mga biktima mula sa mga online na laro.

Tinatayang mahigit 20,000 Chinese customer ang nabiktima ng sindikato na umano’y kumikita ng mahigit 100 milyong yuan, o humigit-kumulang $13 milyon, mula sa fraudulent scheme. JAY Reyes