Home OPINION SINOPHOBIA? HINDI KAYA!

SINOPHOBIA? HINDI KAYA!

PARA sa akin, delikado at mali ang inaakala ng kilala at respetadong civic leader na si Teresita Ang-See na talamak at lantaran na sa Pilipinas ang “face of Sinophobia and racism.”

Ikinagalit niya ang panawagan ng ilang mambabatas na imbestigahan ang napaulat na pagdagsa ng mga estudyanteng Chinese sa Cagayan — ang lugar na kinaroroonan ng ating strategic military outposts, kabilang ang ilan kung saan may access din ang mga bumibisitang sundalong Amerikano.

Pero teka lang. Ang opinyon niya ay mapang-insulto sa mga Pilipino at sa ating mga opisyal gaya ng insultong nararamdaman ng mamamayang Chinese sa usapin ng Sinophobia. ‘Wag tayong paloloko sa maling akalang ito. Ang pagsisiyasat ay hindi dahil sa Filipino Sinophobia — isang bagay na kinukwestiyon ko mismo kung umiiral nga.

Isa tayo sa mga pinakamaasikaso, mapag-engganyo, at laging handang makisama na tao sa mundo, kaya naman hindi kapani-paniwala na magkakaroon tayo ng racism sa bansang ito, o kahit pasimpleng panghuhusga laban sa mga Chinese.

Ang tanging dahilan sa pag-apela ng imbestigasyon sa daan-daang estudyanteng Chinese na naka-enroll sa mga eskuwelahan sa Cagayan ay ang serye ng insidente na nagpaisip sa ilang opisyal ng gobyerno sa posibilidad na napasok ng mga espiya ang grupong ito ng mga international students.

Lilinawin natin na hindi Sinophobia ang nasa likod ng imbestigasyon sa napaulat na pagdami ng mga estudyanteng Chinese sa Cagayan. Ang pangamba ng mga mambabatas, kabilang si Senate Majority Leader Emmanuel Joel J. Villanueva, ay udyok ng balidong konsiderasyon sa pambansang seguridad at ng pangangailangang itaguyod ang integridad ng ating sistemang pang-edukasyon.

Pag-usapan natin ang mga pangambang ito base sa facts at makatwirang analysis. Ang raid kamakailan sa isang ilegal na Philippine Offshore Gaming Operator hub sa Bamban, Tarlac, ay nakadiskubre ng 900 trafficked workers, kabilang ang 427 Chinese.

Ilang linggo na ang nakalipas nang batikusin ni Congressman Robert Ace Barbers ang mga ahensiya ng gobyerno na nag-isyu ng mga Philippine documents para sa mga dayuhan — karamihan sa kanila ay Mainland Chinese — at ang mga ito ay nakakakuha ng Philippine passports, birth certificates, driver’s licenses, at maging UMID cards.

Tinanggap din ng Philippine Coast Guard ang mga Mainland Chinese bilang kasapi ng executive squadron ng auxiliary force nito kapalit ng umano’y nakakalulang “cash donation.”

Nangyayari ang lahat ng ito habang ginigipit at sadyang nagsasagawa ng mga delikado at agresibong aksiyon ang maritime forces ng China na naglalagay sa kapahamakan sa mga pribadong barko at barko ng gobyerno sa West Philippine Sea – ang bahagi ng South China Sea na pinakamalapit sa Pilipinas.

Ang sabihin ngayong ang imbestigasyon kung napasok na ba tayo ng mga espiyang Chinese sa pamamagitan ng napakaraming dayuhang pumapasok sa bansa para sa ating mga paaralan ay hindi nangangailangan ng blanket accusation na ang mga Pilipino ay racist o Sinophobic.

Tandaan sana na napakahaba ng kasaysayan ng Pilipinas sa pagkakaroon ng pangmatagalang ugnayan sa ibang mga bansa at sa mainit na pagtanggap ng mga Pilipino sa mga dayuhan, kabilang ang mamamayang Chinese, sa ating mga komunidad. Ang alegasyong Sinophobia ang nag-uudyok sa imbestigasyong ito ay pangmamaliit sa tunay na intensiyon ng ating mga pinuno na protektahan ang kapakanan ng ating bansa.

                              *        *       *

SHORTBURSTS. Para sa mga komento at reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X.