Home METRO Skyway sinusuri kung apektado ng butas sa Sales Road – MMDA

Skyway sinusuri kung apektado ng butas sa Sales Road – MMDA

MANILA, Philippines – Inaalam pa ng mga awtoridad kung naapektuhan ng malalim na butas sa Sales Road ang integridad ng pundasyon ng Skyway, sinabi ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) nitong Lunes, Abril 15.

Sa pulong balitaan, sinabi ni MMDA chairperson Romando Artes na sa ngayon ay ligtas daanan ang Skyway.

“Kung makikita natin sa pictures, maraming poste ng Skyway ang nandyan so kailangan din pong tignan kung naapektuhan ‘yung integrity nitong mga poste po ng Skyway,” ani Artes.

“Sa ngayon naman po, safe naman po ‘yung mga Skyways natin. ‘Yun lamang po, kanila pong i-a-assess ito during the day kung ano o ‘yung epekto ng sinkhole na ito at ano ang extent ng damage,” dagdag niya.

Nitong Linggo, nadiskubre ng mga awtoridad ang malalim na butas sa Sales Road malapit sa Villamor Air Base sa Pasay City.

Unang nadiskubre ang butas alas-6 ng umaga sa maliit na bitak at kalaunan ay lumaki ng hanggang tatlong metro ang lawak at 10-feet na lalim. RNT/JGC

“Sa ngayon po, nag-iimplement tayo ng counterflow kung kailangan doon sa lugar dahil hindi pa rin ito nadadaanan dahil medyo delikado,” ayon kay Artes.

“Hindi po natin alam ‘yung extent pa noong damage doon sa nasabing kalsada at hinahanap pa po ‘yung source ng tubig para ma-plug ‘yung leak bago po ito matabunan, masementuhan, at madaanan ng ating mga kababayan,” dagdag niya.

Iniimbestigahan ng Department of Public Works and Highways – NCR kung ang mga tubo ba ng Maynilad ang nagdulot ng malaking butas sa kalsada. RNT/JGC