Home NATIONWIDE UN Special Rapporteur binigyan ng go-signal ng SC na lumahok sa cyberlibel...

UN Special Rapporteur binigyan ng go-signal ng SC na lumahok sa cyberlibel case vs Maria Ressa

MANILA, Philippines – Pinayagan ng Supreme Court na makilahok si United Nations Special Rapporteur Irene Khan sa cyberlibel case ng Chief Executive Officer ng Rappler na si Maria Ressa.

Nakabinbin sa Korte Suprema ang apela ni Ressa at ni dating Rappler researcher Reynaldo Santos, Jr. bunsod ng naging desisyon ng Court of Appeals (CA) na katigan ang hatol laban sa kanila ng mababang korte sa cyber libel sa ilalim ng Cybercrime Prevention Act of 2012.

Sa inilabas na notice ng Supreme Court 1st Division pinayagan si Khan na humarap bilang “amicus curiae” o ‘friend of the court.’

Tinanggap din ng Supreme Court ang amicus brief ni Khan na kasalukuyang UN Special Rapporteur on the Promotion and Protection of the Right to Freedom of Opinion and of Expression.

Ang amicus brief na isinusumite sa SC ay makakatulong upang makapagdesisyon ang korte sa isang partikular na kaso.

Nakasaad sa briefer ni Khan ang pagkabahala nito sa batas ng Pilipinas na bigo na bigyan ng sapat na proteksyon ang right to freedom of expression sa ilalim ng Article 19 ng International Covenant on Civil and Political Rights.

Si Ressa at Santos ay hinatulang guilty sa kasong cyberlibel ng Manila Regional Trial Court Branch 46 dahil sa inilabas na article sa negosyanteng si Wilfredo Keng.

Hinatulan ang mga akusado ng makulong ng anim na buwan hanggang anim na taon. Teresa Tavares

Previous articleSitwasyon sa Manila North Port Passenger Terminal sa Maynila ngayong Semana Santa
Next articleTOP PERFORMING SSS BRANCHES, KINILALA NI PCEO MACASAET