Home NATIONWIDE 20K counting machines para sa 2025 elections inaasahang darating sa Agosto –...

20K counting machines para sa 2025 elections inaasahang darating sa Agosto – Comelec

MANILA, Philippines- Umaasa ang Commission on Elections (Comelec) na darating sa Agosto ang inisyal na batch ng 20,000 units ng automated counting machines na gagamitin sa 2025 national at local elections.

Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na puspusan na ang kanilang paghahanda para sa susunod na eleksyon kung saan nagsimula na rin ang paggawa ng mga counting machine ng South Korean firm na Miru Systems dalawang linggo na ang nakararaan.

“Ang hope po natin, itong darating na Agosto, makakapag-deliver na sila ng more or less na initial na 20,000 na units,” sabi ni Garcia.

Ayon pa kay Garcia, bago matapos ang Disyembre ay maide-deliver na ang kabuuang 110,000 na nirentahang makina na gagamitin.

Sinabi ni Garcia na ang Comelec ay hindi kakayanin ang anumang pagkaantala sa kanilang timeline upang hindi malagay sa alanganin ang midterm elections sa Mayo 2025.

Limang buwan pagkatapos nito, o sa Oktubre 2025, nakatakdang isagawa ng poll body ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.

Noong Marso, nilagdaan ng Comelec at Miru ang P17.99-bilyong kontrata para sa pagbili ng bagong automated election system para sa 2025 elections.

Ang kontrata ay sumasaklaw sa humigit-kumulang 110,000 makina at peripheral kabilang ang mga ballot box, laptop, at iba pang mga kinakailangan sa pag-imprenta para sa mga botohan.

Tumulak sina Comelec commissioner Rey Bulay, Aimee Ferolino, at Marlon Casquejo sa South Korea ilang linggo na ang nakalipas upang suriin ang mga automated counting machine na itinatayo ng Miru para sa midterm elections.

Ipinakita rin ng mga opisyal ng Miru, sa pangunguna ni CEO Jinbok-Chung, sa mga komisyoner ng Comelec ang step-by-step na proseso ng pagmamanupaktura.

Ipinakita rin sa kanila ang mga feature ng makina na hiniling ng Comelec, kabilang ang mabilis na paraan ng paglalagay ng mga balota sa makina, ang buod ng mga boto na maaaring ipakita sa screen, ang pantakip sa screen upang maiwasan ang pagsilip at ang hiwalay na lalagyan para sa mga resibo ng balota. Jocelyn Tabangcura-Domenden