Home NATIONWIDE Tolentino: 20K docs kasabwat sa ‘prescriptions for sale’

Tolentino: 20K docs kasabwat sa ‘prescriptions for sale’

MANILA, Philippines- Ibinunyag ng tagapagtaguyod ng pampublikong kalusugan na si Dr. Leachon kay Sen. Francis “Tol” Tolentino na ang pagsasabwatan ng pharma-doc sa tinaguriang “prescriptions for sale” ay kinasasangkutan ng isang lokal na generic company at humigit-kumulang 20 libong mga doktor sa buong bansa.

Sa isang virtual na talakayan, tinanong ni Tolentino si Leachon tungkol sa hinihinalang pharma-doc collusion sa isang scheme kung saan ang lokal na generic company ay nagbibigay ng mga perks tulad ng mga Lexus na kotse, Rolex na relo, o condominium unit sa mga doktor na na-recruit para magreseta ng mga produktong medikal nito sa kanilang mga pasyente.

“Ito bang practice na ito ay bago lang, matagal na, o luma lang ngayon…o ngayon lang talaga dahil sa taas ng presyo ng gamot, sa dami ng klaseng sakit, ito ba ay naha-highlight o dati na nangyari,” tanong ng senador bago ang itinakdang pagdinig ng Senado sa isyu sa Martes sa susunod na linggo.

Ibinunyag ni Leachon na ang mga whistle-blower na kanyang nakausap ay natunton ang nasabing iskema noong 2006.

Ngunit ang “prescriptions for sale” ay naging palasak noong panahon ng pandemya dahil sa pagsasagawa ng telemedicine kung saan ang mga tao ay hindi makalabas ng mga bahay.

Sinabi niya kay Tolentino na sa Mindanao, ibinunyag ng nakausap niyang doktor na ang CEO ng local generic company ay nagre-recruit at nag-aalok ng financial benefits kapalit ng pagrereseta ng mga gamot nito.

Sinabi ni Leachon na ang isang doktor sa Baguio na limang taon pa lang sa practice ay nakaipon na ng mga mamahaling ari-arian tulad ng Lexus car at condominium unit.

Dahil dito, hinimok ni Tolentino si Leachon na lumahok sa imbestigasyon ng Senado para malaman ang simula at wakas ng umano’y sabwatan ng pharma company at mga doktor. RNT