Home METRO ₱204K shabu nasabat, 4 nalambat sa Makati drug ops

₱204K shabu nasabat, 4 nalambat sa Makati drug ops

MANILA, Philippines- Nadakip sa ikinasang buy-bust operation ng mga miyembro ng Station Drug Enforcement (SDEU) sa pakikipagtulungan sa Substation 7 ng Makati City police ang apat na umano’y drug suspects na nakuhanan ng ₱204,000 halaga ng shabu nitong Martes ng gabi, Enero 14.

Kinilala ng Makati City police ang apat na inarestong suspek na sina alyas Jeff, 31; alyas Cooky, 42; alyas Dandek, 34; at isang alyas Sammy, 34.

Base sa report ng Makati City police sa Southern Police District (SPD), nangyari ang pag-aresto sa mga suspek bandang alas-6:47 ng gabi sa isang bahay sa Barangay Guadalupe Nuevo, Makati City.

Naunang isailalim sa surveillance operation ng SDEU ang mga suspek makaraang makatanggap ito ng impormasyon tungkol sa ilegal na aktibidad ng mga ito at nang magpositibo ang nabanggit na operasyon ay agad na nagkasa ng buy-bust operation na nagresulta ng pagkakadakip ng mga suspek.

Sa isinagawang operasyon kung saan nagsilbing poseur-buyer ang isang operatiba ay narekober sa posesyon ng mga suspek ang pitong plastic sachets na naglalaman ng 30 gramo ng hinihinalang shabu, dalawang cellular phone, itim na coin purse at ang ₱500 na ginamit bilang buy-bust money na nakapaibabaw sa 15 pirasong tig-₱500 boodle money.

Kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 o ang RA 9165 ang kinahaharap ng mga suspek na kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Makati City police. James I. Catapusan