MANILA, Philippines – Naglaan ang Department of Agriculture (DA) ng ₱133.09 milyon na tulong para sa mga magsasakang apektado ng Severe Tropical Storm Crising (Wipha) at Habagat.
Kasama sa ayuda ang binhi ng palay, mais at gulay mula sa regional offices sa Central Luzon, Mimaropa, Central Visayas, Zamboanga Peninsula, Soccsksargen, at Caraga. Activated na rin ang Quick Response Fund para sa rehabilitasyon.
Maaaring umutang ang mga magsasaka ng hanggang ₱25,000 na walang interes, babayaran sa loob ng tatlong taon, sa ilalim ng Survival and Recovery Loan Program. Tatanggap din ng bayad ang mga insured farmers mula sa Philippine Crop Insurance Corporation.
Batay sa paunang ulat, umabot sa ₱96.9 milyon ang pinsala sa agrikultura, apektado ang 4,665 magsasaka at 2,236 metriko tonelada ng ani sa 6,037 ektarya. Patuloy ang validation ng DA at nagbabala sa posibleng pagkaantala ng transportasyon dahil sa saradong kalsada.
Kasabay nito, nagsasagawa ng field validation, needs assessment, at price monitoring ang mga regional office para mapanatiling matatag ang suplay at presyo ng produktong agrikultural. Santi Celario