MANILA, Philippines – Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos ang mga ahensya ng gobyerno na pabilisin ang pagbibigay ng tulong at tiyaking ligtas ang mga residente sa mga lugar na binaha sa Metro Manila at karatig-probinsiya.
“Ipinag-utos ko ang koordinasyon para masigurong ligtas ang lahat at handa ang relief goods,” ayon kay Marcos sa isang video na inilabas ng Presidential Communications Office.
Kasama sa kautusan ang OCD at mga Department of Transportation, Health, Science and Technology, Social Welfare, Energy, Public Works, at Interior and Local Government. Binigyang-diin din ni Marcos ang pagkakaroon ng medical teams sa pamamahagi ng ayuda at tuloy-tuloy na suplay ng tubig at kuryente.
Habang nasa US si Marcos para sa pagpupulong kay Pangulong Donald Trump, nanawagan siya sa publiko na sundin ang mga abiso ng awtoridad habang nagpapatuloy ang pag-ulan dulot ng Habagat.
Nauna nang sinuspinde ng Malacañang ang klase at trabaho sa Metro Manila at ilang lalawigan dahil sa tuloy-tuloy na ulan. RNT