
NAGSIMULA nang bumoto ang 48,000 mula sa 1.2 milyong botanteng mga Pinoy sa ibang mga bansa para sa halalang Mayo 12, 2025.
Nagsimula ang pagboto nila kamakalawa o Linggo at matatapos ito sa ika-7:00 ng Mayo 12 na kasabay ng pagsasara ng botohan sa Pilipinas.
Nauna ang mga OFW sa New Zealand at sinundan na ang mga ito sa ibang mga bansa.
May mga botante sa Europa, Arabong bansa, Africa, Latin America, Canada, United States, Mexico, Pakistan, India.
May pagboto sa pamamagitan ng internet habang boboto sa mga embahada ng Pilipinas ang iba.
Sana, walang mambaboy sa boto ng mga mahal nating OFW.
DISGRASYA SA PAGBIYAHE
Milyones ang nagsimula nang bumiyahe kaugnay ng Semana Santa.
Lalo na ang mga mananakay na ayaw makipagsiksikan sa mga istasyon ng mga bus at iba pang mga sasakyan sa mga araw ng Miyerkules at Huwebes na ganap na simula ng pagbabakasyon.
May siksikan din sa mga kalsada sa rami ng mga sasakyan na tumatakbo na matagal, ng kung ilang oras at ang iba, araw.
Kung iisipin, sa biyaheng panlupa, napakarami ang boluntaryo at taga-local government units na magbabantay sa mga lansangan, kahit sa mga expressway at maraming inilalagay na gabay sa mga kalsada para sa ligtas na paglalakbay.
Karaniwang nasa tsuper na pagod na pagod at puyat na puyat o walang disiplina at nasa sasakyan na kulang sa tamang maintenance at paghahanda sa malayuan at matagalang biyahe ang pinagmumulan ng mga disgrasya.
Karaniwan namang overloading o biglaang pagbabago sa panahon sa gitna ng dagat ang pinagmumulan ng mga disgrasya sa mga biyaheng dagat.
Pero meron ding pinipilit na ibiyaheng mga sasakyang-dagat gaya ng mga bangka o lantsa na hindi pampasahero kundi pangisda o pangkargo lamang.
Ito ang mga delikado dahil walang karaniwang pagsasanay ang mga crew at pahintulot ang mga ito na mamasahero…mga kolorum.
Wala silang kaibhan sa mga kolorum sa mga sasakyang panlupa at walang kasiguruhan para sa hustisya ang sinomang madidisgrasya.
Wala naman tayong masasabi sa mga biyaheng eroplano, lalo na ang mga pampasahero.
Bibihira ang mga disgrasyang nagaganap pero kung mayroon, anak ng tokwa, baka hindi mo na maisipan o magkaroon ng pagkakataon na magdasal.
Sana naman, wala ngang madidisgrasya.
Samahan natin, mga Bro, ng dasal ang ating mga paglalakbay para maging ligtas tayo lahat.
MAGANDANG PAGLALAKBAY
Medyo gumaan ang ating mga alalahanin sa pagbiyahe bunga ng bawas-presyo sa mga produktong petrolyo na malaki-laki dahil nasa P3-P4 kada litro para sa diesel, gasolina at kerosene.
Ibinunga ito ng malaking kabawasan sa pagbiyahe ng malalaking barko at eroplano nang maglaban ang China at United States sa taripa sa lahat ng kanilang mga produkto at serbisyo.
Nagbunga ito ng malaking kabawasan sa konsumo sa langis at naging matumal ang bentahan dito kaya nagmura.
Nagpalaki pa ang Organization of Petroleum Exporting Countries ng produksyon ng langis at nagbenta rin ang Saudi Arabia ng murang langis sa Asya.
Sana, magtuloy-tuloy ang pagbaba ng presyo ng langis para gagaan-gaan naman ang ating buhay.