MANILA, Philippines — Umabot sa humigit-kumulang P95 bilyon ang nabayarang hospital bills para sa 1.6 milyong Pilipino sa ilalim ng “zero balance billing” program ng gobyerno, ayon sa Private Sector Advisory Council (PSAC) Healthcare Sector.
Sa pahayag matapos ang ika-10 pulong nito kasama si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Malacañang, sinabi ng PSAC na ang nasabing saklaw hanggang Pebrero 2026 ay bahagi ng mas malawak na reporma sa sektor ng kalusugan na layuning bawasan ang gastusing mula sa bulsa ng mga pasyente.
Ayon kay PSAC Lead Convenor Sabin Aboitiz, ang mas pinalakas na suporta sa PhilHealth, mas mabilis na reimbursement, at pinalawak na access sa gamot ay nakatutulong upang mabawasan ang pinansyal na pasanin ng mga pamilyang Pilipino.
“What is important is that healthcare reforms are felt by Filipinos in practical ways,” ani Aboitiz.
Dagdag pa niya, pinapabuti ng mga reporma ang serbisyong pangkalusugan sa pamamagitan ng mas malawak na coverage at mas madaling access sa serbisyo.
Ang PHP95 bilyong bill coverage ay naisakatuparan sa 87 ospital na nagpapatupad ng zero balance billing scheme.
Iniulat din ng PSAC ang 46 porsyentong pagbuti sa PhilHealth claims processing na nagpaikli sa reimbursement period mula dalawang buwan tungo sa dalawang linggo.
Ayon sa konseho, umabot na sa PHP238.23 milyong halaga ng gamot ang naipamahagi sa ilalim ng PhilHealth GAMOT program sa 2,026 accredited pharmacies.
As of Mayo 2026, tumaas ng 65 porsyento ang bilang ng benepisyaryo kumpara noong 2023, kung saan nadagdagan ng 8.7 milyong Pilipino ang natulungan.
Mahigit 171,000 benepisyaryo na rin ang nakinabang sa libreng gamot sa ilalim ng GAMOT at YAKAP initiatives.
Ayon kay Ayala Healthcare Holdings Inc. President at CEO Paolo Borromeo, ipinapakita ng programa ang kahalagahan ng pagtutulungan ng pamahalaan at pribadong sektor sa reporma sa kalusugan. Santi Celario