Home METRO 1 dedo, 1 sugatan sa onsehan sa droga sa Pasay

1 dedo, 1 sugatan sa onsehan sa droga sa Pasay

MANILA, Philippines – Patay ang isang di-umano’y tulak ng shabu habang sugatan naman ang kasamahan nito matapos pagbabarilin ng tatlong di pa nakilalang suspects sa selebrasyon ng isang may kaarawan Lunes ng gabi (Enero 15) sa Pasay City.

Kinilala ni Pasay City police chief P/Col. Mario Mayames ang napatay na biktima na si Ron-ron Uy, “alias Badboy,” 36, residente ng Decena St., Barangay 94, Pasay City.

Si Uy ay nagtamo ng sampung tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan at idinkelarang dead on arrival sa Pasay City General Hospital (PCGH).

Sugatan naman ang kasamahan ni Uy sanhi ng isang tama ng bala sa kanyang kaliwang balikat ang biktima na nakilalang si Jayson Ortez, “alias Atong,” 39, residente ng Tuazon Mejia Compound, Las Piñas City, na kasalukuyan rin na ginagamot sa PCGH.

Base sa report na sininumite ni Mayames sa Southern Police District (SPD), naganap ang insidente ng pamamaril dakong alas 7:45 ng gabi sa harap ng isang bahay sa Decena St., Pasay City.

Ayon kay Mayames, habang nagkakasiyahan at nag-iinuman sa isang birthday party ang mga biktima ay dumating ang mga armadong di pa nakikilalang suspects at walang sabi-sabing pinagbabaril ang mga ito na nagresulta ng agarang pagkamatay ni Uy at pagkasugat naman ni Ortez.

Sinabi ng mga nakasaksi na makaraan ang pamamaril ay kaswal lamang na naglakad papalayo ang mga suspects sa lugar ng pinangyarihan hanggang sa tuluyan na itong makatakas.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na drug-related ang insidente dahil napag-alaman na si Uy ay sangkot sa aktibidad ng ilegal na droga.

Agad na nagsagawa ng follow-up operation para sa pag-aresto ng mga suspects na hanggang sa kasalukuyan ay tuluyan pa ring nakalalaya. (James I. Catapusan)

Previous articleBangkay ng 21-anyos tinapon sa sapa; 18-anyos na kamag-anak umamin sa krimen
Next article6 pulis-Maynila sinibak sa binaril na holdaper