Home METRO 1 pang suspek sa tangkang pagpaslang sa Remate journo timbog

1 pang suspek sa tangkang pagpaslang sa Remate journo timbog

MANILA, Philippines- Inanunsyo ng Quezon City Police District (QCPD) nitong Martes ang pagkakaaresto sa isa pang suspek sa pananambang sa isang photojournalist at kanyang mga kaanak na ikinasugat nila at nag-iwang patay sa menor-de-edad sa Barangay Masambong, Quezon City noong June 29, 2023. 

Kinilala ng QCPD ang suspek na si Jomari Campillo, 25, residente ng Makati City. Itinuturing siyang No. 9 most wanted person sa District Level.

Batay sa ulat, unang nadakip si Campillo noong July 14, 2023 dahil sa paglabag sa R.A. 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act), subalit nakalaya rin matapos makapagpiyansa.

Inaresto si Campillo nitong Martes sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Branch 86 ng Regional Trial Court (RTC) sa Quezon City para sa frustrated murder sa pagkakasangkot niya sa shooting incident na nag-iwang sugatan kay Joshua Abiad, online photographer ng Remate.

Naghain din ng kasong murder at three counts of frustrated murder laban sa kanyang mga kasabwat para sa krimen na nagresulta sa pagtatamo ng sugat ng mga kaanak ni Abiad, kabilang ang pagkasawi ng kanyang apat na taong gulang na pamangkin.

Noong June 29, tinambangan ng limang kalalakihan ang mga biktima habang nasa loob sila ng kanilang sasakyan sa kahabaan ng Corumi Street, Barangay Masambong, bandang alas-3:50 ng hapon.

Noong July 7, 2023 naman, matagumpay na naaresto ng QCPD ang isa pang umano’y suspek sa krimen na kinilalang si Eduardo Almario Legazpi II, itinuturing na “professional shooter” ng mga awtoridad.

Samantala, sinabi ng mga pulis na si Campillo ay kasalukuyang nasa ilalim ng kustodiya ng QCPD Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU). RNT/SA