MANILA, Philippines- Nanawagan si Sen. Francis “Tol” Tolentino sa Senate committee on national defense na imbestigahan, in aid of legislation, ang umano’y hindi awtorisadong wiretapping ng Chinese embassy sa Armed Forces of the Philippines-Western Command (AFP-WESCOM).
Binigyang-pansin ni Tolentino ang potensyal na paglabag ng Chinese embassy sa Pilipinas sa Anti-Wiretapping Act, na aniya’y isang matinding pagkakasala na maaaring magpaapoy sa diplomatikong tensyon at magdulot ng legal na epekto.
“This act deems it illegal for any individual, not authorized by all parties to a private communication or spoken word, to tap any wire or cable or use devices to secretly overhear, intercept, or record such communication or spoken word,” ani Tolentino.
Sa isang Resolusyon ng Senado, binigyang-diin ni Tolentino ang anunsyo ni Chinese Foreign Ministry Spokesperson Lin Jian sa isang press conference noong Mayo 6 sa diumano’y “new model” para sa transportasyon at subsidy ng Ren’ai Reef (Second Thomas Shoal) na inaprubahan umano ng buong command chain ng Philippine military, kabilang ang Ministry of Defense ng Pilipinas, National Security Advisor, at iba pa.
Nagbanta rin ang China noong Mayo 7 na ilalabas ang transcript at audio recording ng isang umano’y pag-uusap sa telepono noong Enero 3 sa pagitan ng mga opisyal ng China at Vice Admiral Alberto Carlos, hepe ng AFP-WESMINCOM.
Sa pag-uusap, pumayag umano ang huli sa isang “new model” na resupply missions sa BRP Sierra Madre.
Tinalakay umano sa recording ang “new model” ng mga pagkilos sa West Philippine Sea, na sinasabing pinahintulutan ng mga nangungunang opisyal ng DND at AFP, kabilang sina Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr., National Security Adviser Eduardo Ano, at AFP chief of staff Gen. Romeo Brawner.
“It is unlawful for any person, a participant or not in the act or acts penalized, to knowingly possess any tape record, wire record, disc record, or any other such record, or copies of any communication or spoken word secured either before or after the effective date of this Act in the manner prohibited by this law,” ayon sa senador.
Sa parehong araw na nagbanta ang China na ilalabas ang transcript at audio recording, naglabas ng pahayag ang Department of Foreign Affairs (DFA) na nagbibigay-diin na tanging ang Pangulo ng Republika ng Pilipinas ang maaaring mag-apruba o mag-awtorisa ng mga kasunduan na pinasok ng pamahalaan ng Pilipinas sa mga usapin na may kinalaman sa West Philippine Sea at South China Sea.
Gayunman, sinabi ng DFA na walang opisyal sa antas ng Gabinete ng administrasyong Marcos na sumang-ayon sa anumang panukala ng China ukol sa Ayungin Shoal.
Wala rin umanong dokumento, talaan, o umiiral na deal, ayon sa sinasabi ng embahada ng Tsina.”
Dahil dito’y nanawagan si Tolentino sa mga awtoridad ng Pilipinas na gumawa ng naaangkop na aksyon upang matukoy ang lawak ng panghihimasok ng China sa ilan sa ating kritikal na imprastraktura na maaaring makasira sa ating pambansang seguridad.
Gumawa aniya dapat ng accounting sa lahat ng mahahalagang imprastraktura at magbigay ng mga remedial na hakbang upang matugunan ang gayong panghihimasok at ito ay mapigilan.
Aniya, ang pagsisiyasat ng Senado sa umano’y wiretapping ng Chinese embassy sa AFP-WESCOM ay dapat magresulta sa pagrepaso sa RA No. 4200 gayundin sa mga patakaran, regulasyon, at protocol ng mga opisyal ng gobyerno habang nakikitungo sa mga dayuhang opisyal. RNT