MANILA, Philippines – Patay ang isang indibidwal at sugatan naman ang isa iba pa sa hinihinalang insidente ng election-related violence sa Zamboanga del Sur.
Sa ulat, hinarass umano ng armadong grupo ang katunggaling political group sa mismong araw ng halalan, Mayo 12, sa Purok 3, Barangay Guinicolalay, Dinas, Zamboanga del Sur.
Ayon sa Zamboanga del Sur police, rumesponde sila sa report at naabutan ang mga biktima sa lugar.
Matinding napinsala ang lalaking kinilalang si Samsodin, 25-anyos, habang ang drayber naman nito ay bahagyang nasugatan.
Dinala si Samsodin sa Mendero Hospital sa Pagadian City, Zamboanga del Sur kung saan ito binawian ng buhay.
Natagpuan ng mga awtoridad ang dalawang abandonadong pick-up sa lugar, kasama ang 19 cartridge casings ng 5.56mm, pitong cartridges ng .45 caliber, assault rifle, sling bag na naglalaman ng cash na nagkakahalaga ng P12,600 at sample ballot.
Sasailalim sa ballistic examination ang mga narekober na armas.
Tinawag naman ni Zamboanga del Sur Philippine National Police Provincial Director Col. Bonifacio Aranas, Jr. ang insidente bilang “senseless act of violence,” at “authorities will be relentless in bringing perpetrators to justice.”
Nagpapatuloy naman ang botohan sa naturang munisipalidad sa kabila ng insidente. RNT/JGC