MANILA, Philippines – Iniulat ng Philippine Ports Authority (PPA) na isa ang nasawi habang dalawa ang sugatan sa insidente ng pagsabog sa isang barko sa Pier 18, North Harbor, Tondo, Maynila.
Ayon sa impormasyon mula sa PPA, nangyari ang pagsabog mula sa MV EverWing Star 2 nitong Lunes, Agosto 26.
Sa inisyal na ulat ng Radio Base Operator ng nasabing pantalan, dakong alas-10:50 ng umaga nang makarinig ng pagsabog sa lugar.
Agad namang rumesponde ang mga awtoridad.
Kinilala ang kapitan ng MV Everwin Star 2 na si Olympio Aldovino
Isang apprentice ang nasawi habang dalawa namang personnel ang sugatan matapos magtamo ng third degree burns. Dinala ang mga sugatang biktima sa Jose Reyes Hospital.
Nag-ugat umano ang pagsabog sa fumes na posibleng galing sa gasolina at pintura, ayon kay FO2 Ronnie S. Augustin, Arson Investigator ng BFP Manila Fire District.
Gayunman, tinitingnan din ng mga awtoridad kung nagmula rin ang pagsabog sa LPG.
Ayon pa sa ulat, posible umano na nagsimula ang pagsiklab ng apoy mula sa hydraulic switch.
Iniimbestigahan pa rin ng mga awtoridad mula sa Port Police ng Philippine Port Authority, Philippine National Police, Philippine Coast Guard, at Bureau of Fire Protection ang nasabing insidente. Jocelyn Tabangcura-Domenden