Home NATIONWIDE 1 sa bawat 3 bata bansot; DSWD kinalampag

1 sa bawat 3 bata bansot; DSWD kinalampag

Lubhang ikinabahala ng isang senador ang tumataas na bilang ng nababansot na bata sa Pilipinas sanhi ng kapos at hindi angkop na programa na tutugon sa insidente sa pre-school years.

Sa kanyang interpelasyon sa ginanap na deliberasyon sa plenaryo ng badyet, nanawagan si Senador Alan Peter Cayetano sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na muling suriin ang programa at lumikha ng makabagong pamamaraan upang pigilan ang tumataas na bilang ng stunting o pagkabansot sa mga batang Pilipino.

Binigyang diin din ng senador ang kahalagahan ng maagang interbensyon upang matiyak ang magandang kinabukasan ng kabataan.

“This is a discussion with the whole of government. The DSWD (Department of Social Welfare and Development) plays a significant role, but I’d like to ask if we can try something in 2025 to really lower the numbers,” ayon kay Cayetano sa deliberasyon nitong November 19, 2024 ng panukalang 2025 budget para sa DSWD.

Binanggit ni Cayetano ang nakababahalang datos na isa sa bawat tatlong batang preschool-aged sa bansa ay nanganganib maging bansot.

Ipinaliwanag din niya ang mga pangmatagalang epekto ng malnutrisyon tulad ng developmental delays, malubhang sakit, at kakulangan sa oportunidad para sa trabaho.

Ayon sa senador, kahit na may dagdag na pondo para sa mga feeding program at proyektong pangkalusugan ang gobyerno, hindi pa rin ito sapat upang mabawasan ang pagkabansot.

“In the past few weeks, we’d looked at all departments. Sa lahat ng usapan na ‘yan you are basically talking about two-third of our future population, because if stunted ang one-third [of children], hindi rin nila mapapakinabangan ‘yan (government programs),” wika niya.

Hinimok ni Cayetano ang DSWD na muling suriin ang mga kasalukuyang programa tulad ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at pag-isipan kung paano pa nito masusubaybayan at matutulungan ang pamilyang kinabibilangan ng mga batang kulang sa nutrisyon o nanganganib na mabansot.

Binigyan din niya ng pansin ang pangangailangang matukoy ang programang kulang sa pondo o magpatupad ng ilang pilot initiatives sa mga lugar na pinakamalaki ang bilang ng stunting.

“Is there any other program which is there but is underfunded that the DSWD can focus on or launch to prevent stunting?” sabi niya.

Tinalakay din ni Cayetano ang mga isyu na kinakaharap ng iba pang mga vulnerable group tulad ng mga naulila at matatanda.

Iminungkahi niyang gumawa ng modelo na katulad ng 4Ps kung saan ang mga pondo ay ibinibigay batay sa mga nasusukat na resulta tulad ng pagpapabuti ng nutrisyon ng mga na-ulila.

Para sa mga matatanda, nanawagan si Cayetano ng “true no-billing” na serbisyo mula sa PhilHealth upang mabawasan ang pasanin ng DSWD. Aniya, mabibigyan nito ng pagkakataon ang ahensya na magtuon ng mga resources para sa mas malusog na pagkain at mas magandang tirahan para sa mga matatanda sa mga care homes.

Nanawagan din siya sa mga ahensya tulad ng Department of Health (DOH), Department of the Interior and Local Government (DILG), at mga lokal na pamahalaan na makipagtulungan sa DSWD sa paggawa ng “targeted and effective policies.”

“We all agree that prevention is better than cure. Marami sa stunted, sila rin ang future PWDs. The more that we take care of the stunting now, the less we have to spend on the interventions later on.” aniya. Ernie Reyes