MANILA, Philippines – Tutol ang Department of Justice (DOJ) na mabigyan agad ng pardon o executive clemency si Mary Jane Veloso sa sandaling maibalik na siya sa Pilipinas
Babala ni DOJ Undersecretary Raul T. Vasquez na hindi makakabuti ang naturang hakbang dahil maaring makasira ito sa pakikitungo ng Pilipinas sa ibang bansa.
Binigyan diin ni Vasquez na dapat igalang ng bansa ang ibinabang hatol ng korte sa Indonesia.
Magiging masama aniya ang tingin sa Pilipinas ng mga bansang kasapi ng United Nations kung hindi ito tatalima sa kasunduan sa Indonesia na gumawa ng humanitarian gesture.
Ipinunto ni Vasquez na pumayag ang Indonesia na ibalik sa Pilipinas si Veloso kahit walang tratado sa pagitan ng dalawang bansa kaugnay aa paglilipat ng mga bilanggo.
Ginawa aniya ito ng Indonesia dahil sa lawak at lalim ng magandang relasyon sa Pilipinas.
Obligado anilang kilalanin at sundin ng Pilipinas ang mapagkakasunduang kondisyon.
Partikular na ang pagsisilbi niya ng sentensya rito sa bansa matapos maabswelto sa death penalty o parusang bitay sa Indonesia, na ipinagbabawal sa batas ng Pilipinas.
Nauna nang sinabi ng DOJ na “life imprisonment” o habambuhay na pagkakakulong na ang magiging sentensya ni Veloso dahil hindi naman sakop ng mga batas sa bansa ang pagpapataw ng parusang bitay sa kahit sino man. Teresa Tavares