Home HOME BANNER STORY 10 araw na ‘annual paid leave’ isinusulong sa Kamara

10 araw na ‘annual paid leave’ isinusulong sa Kamara

104
0

MANILA, Philippines – Isinusulong sa House of Representatives ang panukalang magtataas ng annual paid leave ng mga empleyado mula limang araw tungong 10 araw, sa pamamagitan ng House Bill (HB) No. 6602 na inihain ni Parañaque City Rep. Brian Raymund Yamsuan.

Layunin ng panukala na amyendahan ang Article 95 ng Presidential Decree No. 442 o Labor Code of the Philippines upang itaas ang Service Incentive Leave (SIL) benefit.

Sa isang pahayag nitong Martes, hinikayat ni Yamsuan ang Kapulungan na agarang talakayin ang panukala, na aniya ay makatutulong upang mabawasan ang stress sa trabaho at mapataas ang produktibidad ng mga manggagawa.

“Our proposed measure reaffirms our commitment to fostering humane working conditions and supporting our labor force. Ang nakatalaga sa ilalim ng kasalukuyang batas na 5 days paid leave ay hindi na angkop sa working conditions natin ngayon,” ani Yamsuan.

“We urge our colleagues to swiftly act on our measure and similar other bills when Congress resumes session on Monday, as a belated but fitting gift for our workers this coming Labor Day,” dagdag niya.

Kapag naisabatas, babaguhin ang probisyon sa Labor Code upang nakasaad na: “Every employee who has rendered at least one year of service shall be entitled to a yearly service incentive leave of ten days with pay.”

Ayon sa mambabatas, hindi na akma sa kasalukuyang kondisyon ng trabaho ang umiiral na limang araw na leave, na aniya ay mas mabigat na ngayon kumpara noong unang ipatupad ito.

Iminungkahi rin niya na sabayan ito ng pagsusuri sa mga petisyon para sa umento sa sahod sa pamamagitan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWPBs) upang higit pang mapabuti ang kalagayan ng mga manggagawa.

Bagama’t may ilang malalaking kumpanya na nagbibigay na ng higit sa limang araw na leave, marami pa ring manggagawa, partikular sa mga walang matibay na collective bargaining agreements, ang nananatiling limitado sa minimum na itinatakda ng batas. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here