MANILA, Philippines – Umabot sa PHP32.92 bilyon ang nailabas na housing loans ng Pag-IBIG Fund sa unang quarter ng 2026, mas mataas ng 9 porsiyento kumpara sa PHP30.22 bilyon sa kaparehong panahon noong nakaraang taon, ayon sa ulat nito nitong Martes.
Ayon sa Pag-IBIG, ang pagtaas ay bunsod ng patuloy na demand para sa abot-kayang pabahay at mas malawak na partisipasyon ng mga low-income borrowers.
Sinabi ni Pag-IBIG Fund Chief Executive Officer Marilene Acosta na patuloy na nagbibigay ang ahensya ng mas abot-kayang daan patungo sa homeownership, kung saan kadalasang mas mababa pa ang buwanang hulog kumpara sa upa.
“The amount they save from lower monthly payments can then go to food, education, daily needs, and even to their Pag-IBIG Regular Savings and MP2 Savings. This matters most for our members from lower-income sectors, which is why we are glad to see more of them benefit through socialized housing,” ani Acosta.
Mula Enero hanggang Marso, nakapagpondo ang ahensya ng 20,926 housing units, bahagyang mas mataas kumpara sa 20,315 units noong kaparehong panahon noong 2025.
Itinuturing na pangunahing dahilan ng paglago ang socialized housing, kung saan PHP2.95 bilyon ang nailabas para sa 3,439 bahay—katumbas ng 68 porsiyentong pagtaas sa halaga at 92 porsiyentong pagtaas sa bilang ng units taon-taon.
Ikinabit ng Pag-IBIG ang performance sa Expanded Pambansang Pabahay Para sa Pilipino (4PH) program ng administrasyong Marcos na layuning palawakin ang access sa pabahay.
Ayon kay Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose Ramon Aliling, ang datos ay patunay ng pag-usad sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palawakin ang homeownership habang sinusuportahan ang ekonomiya.
“Housing also creates jobs, supports construction and allied industries, and helps drive economic activity. As the Expanded 4PH Program continues to provide greater affordability, we expect even more opportunities for homeownership to open for our members, especially those from underserved sectors. This is Bagong Pilipinas in action,” aniya.
Pinuri rin ni Acosta ang mga responsableng borrower sa pagpapanatili ng katatagan ng pondo ng Pag-IBIG, na nagbibigay-daan upang mas marami pang pamilya ang matulungan sa pabahay. Santi Celario