Home HOME BANNER STORY ERC, Meralco pagpapaliwanagin ng Senado sa taas-singil sa kuryente

ERC, Meralco pagpapaliwanagin ng Senado sa taas-singil sa kuryente

137
0

MANILA, Philippines – Ipapatawag ng Senado ang mga opisyal ng Energy Regulatory Commission (ERC) at ng power distributor na Manila Electric Company (Meralco) upang magpaliwanag hinggil sa kamakailang pagtaas ng singil sa kuryente, ayon kay Senator Sherwin Gatchalian nitong Martes.

Sinabi ni Gatchalian na tatalakayin ang isyu sa pagdinig ng Senate Proactive Response and Oversight for Timely and Effective Crisis Strategy (PROTECT) Committee sa Miyerkules, kung saan sisilipin din ang mga hakbang ng pamahalaan upang mabawasan ang epekto ng tumataas na presyo ng langis at ang mga puwang sa implementasyon ng mga polisiya.

“So tomorrow, in-invite namin ang ERC and Meralco … nakita ko na ang pinakamataas sa pagtaas sa ating bill ay ‘yung (We have invited the ERC and Meralco … we saw that the biggest increase in our bill is the (generation charge, almost 75 centavos per kilowatt hour,” aniya sa isang panayam.

Ayon sa senador, tututukan ng imbestigasyon ang mga dahilan ng pagtaas ng singil sa kuryente, partikular ang pagtaas ng generation charge na aniya ang pangunahing dahilan ng mas mataas na electric bills. Nananatiling halos hindi nagbabago ang iba pang bahagi ng singil, kabilang ang mga government-mandated charges, dagdag niya.

Sinabi pa ni Gatchalian na ang kasalukuyang pagtaas ay dulot ng galaw ng foreign exchange (forex) na nakaaapekto sa imported fuel inputs, at maaari pang tumaas ang singil kapag sumunod na maipasa ang global na presyo ng coal, liquefied natural gas, at iba pang energy sources.

“Kaya, ine-expect ko mayroon pang iba pang (That’s why I expect more) bill shock later on. This is only forex,” aniya.

Sa pahayag nitong Lunes, sinabi ng Meralco na ang mga singil sa bill ay aprubado bago ipatupad. Ayon kay Vice President at Head of Corporate Communications Joe Zaldarriaga, kabilang dito ang mga public policy charges tulad ng senior citizen subsidy, lifeline rate subsidy, at universal charge, pati na rin ang Feed-in Tariff Allowance at Green Energy Auction Allowance, na nakapaloob sa umiiral na mga batas at regulasyon.

Sinabi ni Gatchalian na susuriin din ng komite kung may sapat na mekanismo ng beripikasyon sa fuel prices at forex adjustments na ipinapasa sa mga konsyumer.

Hinimok din niya ang ERC na gamitin ang kapangyarihan nito upang i-stagger o hati-hatiin ang pagtaas ng singil upang hindi mabigla ang mga sambahayan.

“Hindi naman kailangan … huwag isabay sa pagtaas ng presyo ng langis ngayon … dapat ini-staggered (It should not be imposed all at once … it should be staggered),” aniya.

Itinanggi rin ng senador na malaking ambag sa pagtaas ng singil ang mga subsidy gaya ng lifeline rate, na aniya ay maliit na bahagi lamang ng kabuuang singil at hindi nagbago. Binigyang-diin niya na mahalaga pa rin ang tulong sa mga low-income households dahil pangunahing pangangailangan ang kuryente sa pang-araw-araw na pamumuhay. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here