MANILA, Philippines – Nananatili sa Alert Level 3 ang Bulkang Kanlaon dahil sa patuloy nitong pag-aalboroto, naitala ang 10 lindol at pagbuga ng 1,714 toneladang sulfur dioxide noong Biyernes, ayon sa PHIVOLCS.
May lumabas na usok na umabot sa 100 metro ang taas at tinangay patimog-kanluran, kasabay ng paminsang pagbuga ng abo. Nananatiling namamaga ang edifice ng bulkan, na patuloy ding naglalabas ng gas.
Nagbabala ang PHIVOLCS sa posibleng biglaang pagsabog, pagdaloy ng lava, pag-ulan ng abo, pyroclastic density currents, pagbagsak ng bato, at lahar tuwing malakas ang ulan.
Dapat lumikas ang mga nasa loob ng anim na kilometrong radius mula sa tuktok ng bulkan, at ipinagbabawal ang paglipad ng eroplano sa paligid. Santi Celario