MANILA, Philippines – UMALINGAWNGAW ang kilig sa loob ng Bulwagang Bayan ng Manila City Hall nang sabay-sabay na maghalikan ang nasa 100 pares na magkasintahan na lumahok sa “Kasalang Bayan 2025”.
Isinagawa ang maramihang libreng kasal kasabay ng pagpapasinaya sa Bulwagang Bayani sa Manila City Hall na pinangunahan nina Mayor Isko Moreno Domagoso at Vice Mayor Atienza nitong Huwebes ng hapon kung saan binigyang-diin ng bise alkalde sa kanyang pagsasalita na dapat magkaroon ng matatag na pundasyon ang mag-asawa lalu na sa gitna ng mabigat na suliranin.
“Place God at the center. As you both move closer to God, you will naturally grow closer to each other. He is the only one who can bind you together, especially in those moments na naiiyak na kayo,” pahayag pa ni Atienza.
Ang Kasalang Bayan ay bahagi ng Manila Tourism & Creative Industries Month ng Department of Tourism, Culture and Arts of Manila (DTCAM) at ng City Civil Registry Office para sa mga magkasintahang nagnanais gawing ganap at legal ang kanilang pagsasama sa bisa ng kasal.
Bukod sa payong ispirituwal, nagbigay din ang bise alkalde ng personal na mensahe sa mga ikinasal na panatilihin at pananabik nila sa isa’t-isa at huwag iwaglit ang kanilang wagas na pagmamahalan kahit anong oras o panahon.
‘Wag na ‘wag niyong iisipin na dahil magkasama na kayo, pwede na kayong hindi magpansinan. I believe that when you love each other every day, na may kilig pa rin sa inyong mga mata at puso, your life together will be more successful,” dagdag pa niya.
Pinangunahan naman mismo ni Yorme Isko ang Mass Civil Wedding na naisakatuparan sa tulong ng City Civil Registry Office (CCRO) at ng Department of Tourism, Culture and Arts of Manila (DTCAM), bilang bahagi ng pagdiriwang ng Manila Tourism and Creative Industries Month (MTCIM).
Nabatid na bukod sa libreng wedding cake, singsing, bulaklak, reception, marriage certificate, at iba pang legal na papeles na kailangan para maging ganap na mag-asawa ay naghandog pa si Yorme Domagoso sa pamamagitan ng lokal na pamahalaang lungsod ng tig-P5,000 sa bawat mag-asawa bilang kanilang panimula. JAY Reyes