RIZAL- Nagmistulang talong ang katawan ang 8-anyos na batang lalaki matapos pagtulungan bugbugin ng kanyang sariling ina at lola makaraang hindi na nakabalik matapos utusang bumili ng sigarilyo, iniulat kahapon sa bayan ng Rodriguez.
Nasa pangangalaga ngayon ng City Social Welfare and Development (DSWD) ang bata matapos lapatan ng lunas ang mga tinamong pasa sa katawan.
Nakakulong naman sa lock-up cell ng Rodriguez Rizal Police ang mag-ina at nahaharap sa kasong child abuse at physical abuse.
Ayon kay Lt. Col. Paul Macasa Sabulao, hepe ng Rodriguez Rizal Police, naganap ang insidente noong Martes sa bahay ng mag-ina.
Sinabi ni Sabulao, bago ang insidente, Martes ng umaga ay inutusan ang bata ng kanyang magulang na bumili ng sigarilyo sa tindahan subalit hindi na ito nakabalik pa sa kanilang bahay.
Pagsapit ng alas-5, nakita ng ina ang bata at pinauwi niya ito hanggang sa pinagsusuntok sa ulo at iba’t ibang parte ng katawan.
Ilang kapitbahay naman ang nakakita sa pangyayari at nakunan ito ng video saka pinost sa social media na nagresulta sa pagkakadakip sa mag-ina.
Depensa ng ina, sa sobrang galit niya at paghahanap sa kanyang anak kaya niya ito nasaktan lalo pa nung nagtangkang tumakbo dala na rin ng kanyang tatlong buwang pagbubuntis.
Pero, sinabi ng mga kapitbahay na madalas bugbugin ang bata ng kanyang ina at lola kaya minsan ay natatakot na itong umuwi sa kanilang bahay. Mary Anne Sapico