MANILA, Philippines- Nasabat Police Regional Office (PRO) 3 (Central Luzon) ang 101 baril at nadakip ang 103 indibdiwal mula Jan. 12 hanggang 28 sa paglabag sa nationwide gun ban.
Sinabi ni PRO3 Chief Brig. Gen. Jean Fajardo nitong Huwebes na sa 101 nasamsam na baril, 38 ang nakumpiska sa checkpoints, 21 ang narekober sa police responses, 39 ang nasabat sa buy-bust operations, at tatlo mula sa iba pang law enforcement actions.
Dagdag ng opisyal, sa 103 naaresto, 98 ang sibilyan, apat ang security guards, at isa ang miyembro ng Armed Forces of the Philippines.
“This is more than just enforcement —this is about protecting lives and ensuring that every voter feels safe. Every illegal firearm we confiscate is one less threat to public safety,” dagdag niya.
Sa ilalim ng Commission on Elections Resolution 10918, ang pagdadala ng mga baril at iba pang deadly weapons sa publiko ay mahigpit na ipinagbabawal maliban na lamang kung saklaw ito ng Comelec-issued Certificate of Authority sa kasagsagan ng election period.
Kahit na licensed gun holders, kabilang ang law enforcement personnel, ay dapat tumalima sa gun ban.
Ang election period ay mula Jan. 12 hanggang June 11 ng kasalukuyang taon. Dick Mirasol III