Home NATIONWIDE 105-araw na paternity leave isinusulong ni Diokno

105-araw na paternity leave isinusulong ni Diokno

2
0

MANILA, Philippines – Naghain si Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno ng panukalang batas na magpapalawig sa paternity leave ng mga ama mula sa kasalukuyang pitong araw tungo sa kabuuang 105 araw, kapantay ng benepisyong nakapaloob sa maternity leave law.

Layunin ng House Bill No. 9891 o Paternity and Parental Leave Act (PAPA Leave Act) na itaguyod ang responsableng pagiging magulang at bigyang pagkakataon ang mga ama at tagapag-alaga na higit na makibahagi sa pag-aaruga sa mga anak sa kanilang mga unang yugto ng buhay.

Sa ilalim ng panukala, magiging 90 tuloy-tuloy na araw ang bayad na paternity leave para sa live childbirth at 60 araw naman para sa miscarriage o emergency termination of pregnancy. May dagdag ding 15 araw na paid parental leave na maaaring gamitin sa loob ng isang taon mula sa panganganak, kaya aabot sa 105 araw ang kabuuang benepisyo.

“By investing in shared parenting, this measure advances gender equality, improves child and family wellbeing, and strengthens labor force participation. It affirms that childcare is not solely the responsibility of women, but a shared parental duty that must be actively supported by the State,” ani Diokno.

Saklaw din ng panukala ang mga hindi kasal na ama, mga alternatibong tagapag-alaga, manggagawa sa informal economy, at mga boluntaryong miyembro ng Social Security System (SSS), basta’t natutugunan ang mga kinakailangang kontribusyon.

Mananatiling sagot ng mga pribadong employer ang paunang pagbabayad ng leave benefits, ngunit ire-reimburse ito nang buo ng SSS. Ipinagbabawal din ng panukala ang pagtatanggal sa trabaho, pagbaba ng posisyon, at diskriminasyon laban sa mga empleyadong gagamit ng benepisyo.

May nakalaang parusa ang panukala sa mga lalabag, kabilang ang multa, pagkakakulong, at posibleng pagbawi ng business permit. Naglalaman din ito ng mga probisyon upang maiwasan ang pang-aabuso sa paggamit ng leave benefits.

Ayon pa kay Diokno, maaaring managot sa ilalim ng Republic Act 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004 ang sinumang ama na mabibigong magbigay ng kinakailangang pag-aaruga at suporta habang nasa paternity o parental leave. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here