MANILA, Philippines – Aabot sa mahigit 106,000 pulis ang ide-deploy ng Philippine National Police (PNP) sa buong bansa upang tiyakin ang maayos at mapayapang pagdiriwang ng Labor Day sa Biyernes, Mayo 1, kung saan inaasahan ang mga rally at protesta ng mga manggagawa.
Ayon kay PNP spokesperson Brig. Gen. Randulf Tuaño, nasa heightened alert ang kapulisan mula Huwebes hanggang Sabado kahit wala pang natatukoy na tiyak o kredibleng banta kaugnay ng okasyon.
“We continue to monitor for threats, but we are not complacent. Monitoring efforts will remain in place so we can respond immediately should any risk arise,” ani Tuaño.
Sinabi niya na tatlong grupo ang nag-apply ng rally permits sa Metro Manila ngunit hindi ito inaprubahan dahil ang mga lokasyon ay hindi sakop ng mga itinakdang freedom parks, kabilang ang mga lugar malapit sa US Embassy, UP Diliman, Welcome Rotonda, at DSWD-Quezon City area.
Samantala, naghahanda rin ang Police Regional Office sa Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) ng humigit-kumulang 9,000 personnel para sa seguridad ng BARMM parliamentary elections sa Setyembre.
Ayon kay PRO-BAR chief Brig. Gen. Jaysen de Guzman, susuportahan ito ng humigit-kumulang 3,000 tauhan mula sa Armed Forces of the Philippines at Philippine Coast Guard.
Binanggit din niya na nananatiling pangunahing alalahanin sa seguridad ang Tawi-Tawi, habang patuloy ang pagbabantay sa mga posibleng banta mula sa mga armadong grupo, kabilang ang Daulah Islamiyah-Maute Group.
Gaganapin ang unang BARMM parliamentary elections sa ikalawang Lunes ng Setyembre alinsunod sa batas na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. noong Marso. Santi Celario