MANILA, Philippines – Isinusulong ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) ang pagtatatag ng National Anti-Scam Hub (NASH) na magsisilbing isang sentralisadong one-stop complaint center para sa mga biktima ng panloloko at online scam.
Ayon kay CICC Executive Director Undersecretary Renato “Aboy” Paraiso, pamumunuan ng Office of the Executive Secretary ang naturang hub na layong gawing mas simple ang pagrereport ng mga kaso at mapabilis ang koordinasyon ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
“Ang layunin naman talaga nito is para ang lahat ng mga kababayan natin na nai-scam, isa lang ang pagsusumbungan…,” ani Paraiso, at binigyang-diin na maraming biktima ang nalilito kung saan dapat magsumbong.
Dagdag niya, layunin ng sistema na “i-integrate at i-streamline” ang proseso ng pamahalaan upang agad maituro sa tamang ahensya ang mga kaso at maiwasan ang kalituhan sa hurisdiksyon.
Sa ilalim ng panukalang sistema, magsasama-sama sa iisang mekanismo ang mga ahensya tulad ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), Bureau for Transnational Crime, at iba pang law enforcement units. Ang CICC ay tututok sa detection at reporting, habang ang pulisya at iba pang ahensya ang hahawak ng imbestigasyon at enforcement.
Ayon kay Paraiso, inaasahang mapapabilis ng sistema ang pagtugon sa mga reklamo, lalo na sa mga scam na isinasagawa sa pamamagitan ng digital platforms at messaging applications.
Binanggit din niya ang pakikipagtulungan ng Pilipinas sa South Korea para sa pagtatatag ng National Cybersecurity Operations Center na magpapalakas sa depensa ng bansa laban sa cyber threats. Dave Baluyot