MANILA, Philippines — Isinasailalim ngayon sa 107 lifestyle checks ang mga opisyal ng gobyerno habang pinalalawak ng Office of the Ombudsman ang pagsusuri sa mga kawani ng mga ahensyang may malaking transaksyong pinansyal, ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla.
Inihayag ito ni Remulla sa pagdinig ng House Committee on Appropriations nitong Martes, Agosto 25, para sa panukalang 2027 budget ng Office of the Ombudsman.
“We have 107 lifestyle checks being conducted as we speak,” ani Remulla.
Sinabi niyang maaari pang madagdagan ang bilang dahil aktibong nangangalap ng impormasyon ang Ombudsman hinggil sa mga opisyal at kawani ng Bureau of Customs (BOC), Land Transportation Office (LTO), Bureau of Internal Revenue (BIR) at iba pang income-generating agencies ng gobyerno.
Ang lifestyle check ay ginagamit upang suriin kung tugma ang ari-arian at pamumuhay ng isang opisyal o kawani ng gobyerno sa kanyang legal na kita at mga idineklarang yaman.
Hindi naman tinukoy ni Remulla ang mga pangalan ng 107 indibidwal na kasalukuyang sinusuri.
Tinalakay din sa budget hearing ang pangangailangan ng Ombudsman ng karagdagang pondo, kabilang ang planong pagtatatag ng Ombudsman Marshal na maaaring tumulong sa enforcement at security functions ng tanggapan.
Humiling din ang Ombudsman ng dagdag na confidential funds. Sinabi ni Akbayan party-list Rep. Chel Diokno na maaaring kailanganin ng anti-graft body ang mas malaking confidential fund dahil sa uri ng mga imbestigasyong hinahawakan nito.
Kinumpirma rin ni Remulla na may unit ang Ombudsman na sumusubaybay sa nagpapatuloy na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte upang matukoy kung may mga usaping maaaring mangailangan ng hiwalay na imbestigasyon o prosekusyon.
Ang pagsasailalim sa lifestyle check ay hindi nangangahulugang napatunayang may katiwalian o paglabag ang isang opisyal; bahagi pa lamang ito ng pagsusuri ng Ombudsman. Santi Celario