Home METRO 11-anyos sapul sa ligaw na bala sa Caloocan

11-anyos sapul sa ligaw na bala sa Caloocan

MANILA, Philippines – Nadaplisan ng ligaw na bala ang 11-anyos na lalaki sa labas ng kanilang bahay sa Brgy. 176, North Caloocan nitong Sabado, Enero 18.

Ayon sa kuya ng biktima, papasok na sana ng bahay ang kanyang kapatid nang mangyari ang insidente.

“Nung bandang 11:30 po ng tanghali naghuhugas po ako ng plato and then may biglang bumulusok po sa may yero and then narinig ko umiiyak po ‘yung kapatid ko, pinuntahan ko siya,” pahayag nito sa panayam ng ABSCBN News.

“Tapos sabi niya tinamaan ako. Sabi ko saan, saan? Sa may tagiliran, tapos tinignan ko ‘yung tagiliran niya parang may pula. Tinignan ko yung baba, may bala po,” dagdag pa.

Unang tinamaan ng bala ang bubong saka gumawa ng butas at kalaunan ay bumagsak sa tagiliran ng bata bago bumagsak sa sahig.

Mapalad naman na hindi seryosong nasaktan ang bata at nagtamo lamang ng pamumula sa balat.

“Feeling din po namin ‘di na safe dito,” aniya.

Iniulat na ang insidente sa East Bagong Silang Police Sub-station 13, ngunit sinabi na posibleng hindi na matukoy ng pulisya kung kanino nanggaling ang bala. RNT/JGC