MANILA, Philippines- Malaki ang posibilidad na sinusubukan ng 11 Chinese nationals na naaresto sa Paracale, Camarines Norte na magmina ng uranium.
Ayon kay Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) spokesperson Dr. Winston Casio, sinabihan sila ng mga inhinyero na ang ‘extraction technology’ ng mga dayuhan ay maaaring gamitin sa pag-extract ng uranium. Sinabi pa rin niya na mayroong mga posibleng pinagkukuhanan ng uranium sa lugar.
“Kung kaya po, gawa ng iba ang teknolohiyang ginamit nitong grupong ito, it’s highly possible na hindi lang gold ang kanilang hinahanap kung hindi maging uranium deposits,” ang sinabi ni Casio sa isang panayam.
“As of this point, hindi pa naman po confirmed ‘yan. Kaya lang nasabi ng engineer na tumingin niyan sapagkat ‘yung technology na ginamit ay pu-puwedeng magamit for uranium extraction,” dagdag na wika ni Casio.
Base naman sa Department of Energy (DOE), ang uranium ay maaaring gamitin sa power commercial nuclear reactors na nagpoprodyus ng kuryente.
Ginagamit din ito para magprodyus ng isotopes na ginagamit naman para sa ‘medical, industrial, at defense purposes’ sa buong mundo.
Sa ulat, nasa 11 Chinese nationals ang inaresto ng pinagsanib na operatiba ng Bureau of Immigration at PAOCC sa ginawang raid sa ilegal na minahan ng ginto sa Purok-6, Brgy. Tugos, Paracale, Camarines Norte, kamakalawa ng umaga.
Kinilala ang mga suspek na sina Liu We Xi; Chen Gui Hua; Chang Si Ci; Chen Chan Xia; Lui Wei Mang; Yu Yun Lai; Zhen Zi Yu; Li Chun; Jou Zheng Ren; Lou Peng; at Sheng Yuan Fan.
Sa ulat, nakakuha ng impormasyon ang PAOCC at BID na ilang Chinese nationals ang ilegal na nagmimina sa lugar at nagtayo pa ng mineral processing plant.
Makaraang makumpirma ang ilegal na aktibidad ng mga dayuhan, dakong alas-8:30 ng umaga katuwang ang 5th Special Reconaissance; 1st Scout Ranger Regiment; 16th Infantry Battalion; at 2nd Infantry Battalion ng Philippine Army ay sinalakay ng mga tauhan ng BID at PAOCC ang minahan at naaresto ang 11 dayuhan na karamihan ay tourist visa lamang ang hawak.
Wala umanong kaukulang permiso at working visa ang mga dayuhan sa bansa at magkaroon ng pagmimina sa lugar.
Maliban dito ay nakitaan pa nang paglabag ang mga dayuhan dahil sa ginagawang open pit mining na mahigpit nang ipinagbabawal sa bansa.
Sa kabilang dako, sinabi naman ni Casio na isinara ng Mines and Geosciences Bureau ang nasabing lugar.
“Kinakailangan ho natin mag-request sa kanila na tignan ng mabuti kung ano nga ba talaga ang purpose nung extraction plant na ito,” wika ng opisyal.
Sinabi ni Casio na ang kompanya ay mayroong kinailangang environmental compliance certificate (ECC) para mag-operate, subalit lumampas naman ito sa dapat na saklaw lamang ng kanilang lisensiya.
Sa kabilang dako, ang mga naarestong Chinese nationals ay sumailalim na sa inquest proceedings para sa immigration violations. Sinabi ni Casio na tinitingnan ng mga awtoridad ang pagsasampa ng criminal complaints laban sa mga ito.
Tinuran pa ni Casio na iniimbestigahan na rin nila ang isang lokal na politiko na maaaring business partner ng mga Chinese nationals.
Tinuran ni Casio na nag-hire ang lokal na politiko ng mga dayuhan bilang business financiers habang ang iba naman ay bilang technical experts at manggagawa para sa mineral processing plant. Kris Jose