Home NATIONWIDE PAOCC: ‘Underground operations’ ng illegal POGOs laganap pa rin

PAOCC: ‘Underground operations’ ng illegal POGOs laganap pa rin

MANILA, Philippines- Sinabi ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na laganap pa rin ang illegal Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa buong bansa.

Ito’y sa kabila ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na isara at itigil ang lahat ng operasyon ng POGOs sa pagtatapos ng taon.

Sa katunayan, sinabi ni PAOCC Spokesperson Winston Casio na maaaring may mahigit na 100 illegal POGO hubs ang nananatiling palihim na nago-operate sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

“Ang problema talaga natin ay yung mga illegal talaga from the get-go. Yung sa umpisa palang illegal na talaga sila, underground na po sila. Yun yung nagiging problema ngayon sapagkat hinahabol po natin sila all over the country… Kasi yung dating malalaki na daan-daan, ‘yung libo ang mga empleyado, nag disintegrate sila into smaller units kaya mas lalo silang dumami,” ang sinabi ni Casio.

Inihayag pa ni Casio na ang pagtugon sa illegal POGOs ay nangangailangan ng “whole of government approach,” kailangan ding isama ang iba’t ibang ahensya sa executive branch, at mahalaga ang suporta ng komunidad para mahanap, maisara at mapahinto ang illegal operations.

“Yung hamon talaga ay napakaraming nag underground. There are a good number of them and we’re having difficulty catching up. If assuming lang po na may matira after December 31, magtutuloy-tuloy pa rin ang mandato ng task force na kinabibilangan namin… Assuming may matira pa beyond December, we’ll still go after them and close them down,” ang litaniya ni Casio.

Noong nakaraang linggo ay inaresto ng PAOCC at Bureau of Immigration (BI) sa isang subdivision sa Binan, Laguna ang umano’y “godfather” ng POGO sa buong Pilipinas.

Pinangalanan ni PAOCC chief Usec. Gilbert Cruz ang suspek na si Lyu Dong.

Kasama sa mga naaresto ang nasa 10 Chinese POGO bosses at pitong Pilipinong bodyguard nila.

Samantala, sinabi ni Casio, sa kasalukuyan ay nababawasan na ang bilang ng legal Internet Gaming Licenses (IGLs) at POGOs at sumusunod sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) requirements at ang utos ng Pangulo ay isara ang lahat ng operasyon sa pagtatapos ng taon. Kris Jose