MANILA, Philippines- Mayroong 11 validated election-related incidents mula nang umarangkada ang national at local campaign period, base sa Philippine National Police (PNP) nitong Linggo.
“As of March 28, nakapagtala na tayo ng 39 na suspected na election-related incidents,” pahayag ni PNP spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo sa isang panayam.
“Out of the 39, 11 diyan ang validated na election-related incidents, 23 validated na walang kinalaman sa eleksyon,” dagdag niya.
Sa 11 validated election-related incidents, sinabi ni Fajardo na lima ang sumasailalim sa preliminary investigation habang anim ang sumasailalim sa case build-up.
Inihayag din ng opisyal na tinutugis ang ilang suspek habang ang iba ay incumbent government officials at poll candidates, subalit hindi niya ito idinetalye.
Binanggit din niya ang limang kaso na natukoy bilang suspected election-related incidents dahil iniimbestigahan pa ang mga ito.
Sa ilalim ng Comelec Resolution No. 11086, ang campaign period para sa national candidates ay mula February 11 hanggang May 10 habang ang campaign period para sa local positions ay mula March 28 hanggang May 10, 2025.
“Mas mainit ang eleksyon sa lokal kaya patuloy tayong magbabantay para hindi na madagdagan ang mga validated election-related incidents,” ani Fajardo.
Nauna nang iniulat ng PNP na ang unang araw ng local campaign period para sa 2025 polls ay “generally peaceful” kung saan walang major incidents sa buong bansa. RNT/SA