MANILA, Philippines – Inihayag ng Department of Justice (DOJ) nitong Martes na inirekomenda nito ang pagsasampa ng kasong terorismo laban sa 11 umano’y miyembro ng New People’s Army (NPA).
Kinilala ang mga umano’y miyembro ng NPA na sina Jovito Marquez, Antonio Baculo, Sonny Rogelio, Veginia Terrobias, Lena Gumpad, Job Abednego David, Jessie Almoguera, Reina Grace, Bethro Erardo Zapra Jr., Daisylyn Castillo Malucon, at Yvaan Corpuz Zuniga.
Ayon sa DOJ, tinambangan umano ng 11 indibidwal na ito ang pwersa ng gobyerno noong Mayo 2023 sa Barangay Malisbong sa Sablayan, Occidental Mindoro gamit ang mga high-powered firearms at improvised explosive device.
“The intent behind the ambush was deemed to cause death, serious injury, and to instill a widespread atmosphere of fear, thereby destabilizing the fundamental political, economic, and social structures of the Philippines,” ayon pa sa DOJ.
Samantala, sinabi nitong ibinasura ang mga kasong unlawful possession of firearms at explosives dahil sa kawalan ng probable cause dahil sa hindi sapat na ebidensya.
Walang nasawi sa Philippine Army sa nasabing pananambang. RNT