WASHINGTON, USA – Umabot sa 11 ang kumpirmadong nasawi matapos ang isang chemical tank rupture sa isang paper mill sa Longview, Washington, USA, ayon sa mga awtoridad.
Ayon sa ulat, unang nakumpirma ang dalawang pagkamatay matapos sumabog o bumigay ang isang malaking tangke na may lamang “white liquor”—isang kemikal na halo ng sodium hydroxide at sodium sulfide na ginagamit sa paggawa ng papel.
Patuloy ang search and recovery operations sa loob ng ilang araw, kung saan hinanap ng mga rescuer ang siyam na nawawalang manggagawa. Ayon sa mga opisyal, lahat ng katawan ng mga nawawala ay natagpuan na, kaya umabot sa 11 ang kabuuang bilang ng mga nasawi.
Gumamit ang mga awtoridad ng drones at pag-clear ng debris sa lugar dahil sa delikadong kemikal at kondisyon ng site. May mga ulat din ng kontaminasyon na umabot sa kalapit na Columbia River, pero sinabi ng mga opisyal na wala namang nakitang negatibong epekto sa hangin at inuming tubig sa Longview.
Iniimbestigahan pa rin ng mga otoridad ang sanhi ng insidente. RNT/MND