Mahigit 110,000 manggagawang kapos-palad at nawalan ng trabaho sa buong bansa ang makakatanggap ng sahod sa Araw ng Paggawa sa ilalim ng TUPAD program ng DOLE.
May 111,418 benepisyaryo ang makakakuha ng higit P797 milyon bilang agarang tulong pinansyal para sa mga apektado ng pagkawala ng kita.
Bahagi ito ng pangako ng administrasyong Marcos Jr. na ilapit ang serbisyo ng gobyerno sa mga bulnerableng sektor at tulungan ang mga manggagawang nawalan ng trabaho, kulang sa trabaho, o nahaharap sa krisis pang-ekonomiya.
Kabilang sa mga benepisyaryo ang 538 tsuper sa ilalim ng bagong TUPAD Tuloy Pasada Program, na nagbibigay ng pansamantalang trabaho sa mga tsuper na naapektuhan ng energy emergency.
Susuportahan din ng DOLE ang Kadiwa ng Pangulo sa 47 lugar para makabili ang mga manggagawa ng murang pagkain at bilihin direkta sa mga prodyuser. Magde-deploy ng daan-daang TUPAD workers dito na may kabuuang sahod na higit P1 milyon.
Nakipagtulungan din ang DOLE sa Department of Agriculture para tulungan ang 10,000 magsasakang apektado ng El Niño sa CAR, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Zamboanga, at CARAGA sa pamamagitan ng emergency jobs at kabuhayan. Layunin nitong magbigay ng agarang kita habang inaayos ang irigasyon at pinapalakas ang climate-resilient na kabuhayan.
Ang TUPAD ay programang pang-emergency employment ng DOLE para sa mga nawalan ng trabaho, kulang sa trabaho, at seasonal workers. Nagbibigay ito ng pansamantalang trabaho sa loob ng 10 hanggang 30 araw para matugunan ang pang-araw-araw na pangangailangan habang naghahanap ng mas matatag na kita.
Sa paggunita ng Araw ng Paggawa, binigyang-diin ng DOLE ang kahalagahan ng disenteng trabaho at proteksyon sa manggagawa. Patuloy ang TUPAD bilang tugon ng gobyerno para protektahan ang kabuhayan at tulungan ang mga bulnerableng manggagawa na makabangon.
Para sa karagdagang impormasyon, maaaring bumisita sa pinakamalapit na DOLE regional at field office o sundan ang opisyal na social media pages ng DOLE. Jocelyn Tabangcura-Domenden