MANILA, Philippines – Nasawi ang isang babae sa Cagayan de Oro City matapos manganak nang mag-isa sa kanyang inuupahang silid sa Barangay Bulua, ayon sa mga awtoridad.
Natagpuan ng mga residente ng boarding house ang babae sa banyo na basang-basa ng dugo at wala nang buhay. Natagpuan din ng mga rumespondeng awtoridad ang kanyang bagong silang na sanggol sa loob ng silid, buhay ngunit nasa gitna ng dugo.
Naligtas ang sanggol at kasalukuyang nasa pangangalaga ng mga awtoridad.
Ayon sa Cagayan de Oro City Police Office (COCPO), walang nakitang foul play sa pagkamatay ng babae.
Sinabi ni Capt. Emilita Simon, tagapagsalita ng COCPO, na tila nag-labor mag-isa ang babae at siya rin ang nagputol ng sarili niyang umbilical cord, na posibleng naging sanhi ng matinding pagdurugo.
“So siya ra mismo ang nag-labor sa iyang kaugalingon ug siya ra mismo ang nagputol sa kaning (umbilical) cord mao ng ga-bleeding siya ug niadto siya sa cr ug didto na siya nakabsan sa kinabuhi,” ani Simon.
Ayon sa pulisya, may live-in partner ang babae ngunit naghiwalay umano sila matapos malaman ng lalaki na hindi siya ang ama ng sanggol.
Patuloy na tinutukoy ng mga awtoridad ang mga kamag-anak ng babae, dahil ang kanyang mga magulang ay iniulat na pumanaw na rin.
“Naningkamot pud kita nga ma-contact ang iyang mga relative niini kay gi-deny man pud siya sa iyahang previous live-in partner kay nagbuwag na sila ug hinungdan sa ilang pagbuwag ang kaning pagmabdos niya sa lahi nga amahan,” dagdag ni Simon. Mary Anne Sapico