Home NATIONWIDE 119 patay sa malawakang raid ng pulisya sa drug gang sa Brazil

119 patay sa malawakang raid ng pulisya sa drug gang sa Brazil

342
0

BRAZIL — Umabot na sa 119 ang nasawi sa isang malawakang operasyon ng pulisya laban sa isang drug gang sa Rio de Janeiro, na itinuturing ngayon bilang pinakamadugong raid sa kasaysayan ng lungsod, ayon sa mga opisyal nitong Miyerkules, Oktubre 29.

Sa nasabing bilang, 115 ay pinaghihinalaang miyembro ng sindikato habang apat ay pulis, ayon kay Rio state police secretary Felipe Curi.

Unang iniulat ng mga awtoridad na 60 lamang ang napatay sa operasyon noong Martes na nilahukan ng mahigit 2,500 pulis at sundalo sa mga mahihirap na komunidad ng Penha at Complexo de Alemao.

Ayon kay Curi, karagdagang bangkay ang natagpuan sa kagubatan kung saan nagkubli ang mga suspek na nakasuot ng camouflage at armado ng matataas na kalibre ng baril.

Iniimbestigahan ngayon ang ulat na tinanggal ng mga residente ang mga kagamitan at uniporme ng mga napatay.

“Ang mga taong ito ay nakasuot ng camouflage at may dalang armas, ngunit nang makita muli, naka-underwear o shorts na lamang sila — tila biglang nagpalit ng damit,” ani Curi.

Nagprotesta naman ang mga residente ng Penha at tinawag na “massacre” ang operasyon matapos ipunin sa mga trak ang mga bangkay at ilagay sa gitna ng plaza bago dumating ang mga forensic authorities.

Ayon sa pulisya, 113 suspek ang naaresto, habang 90 riple at higit isang toneladang droga ang nakumpiska sa operasyon laban sa Red Command, isang kilalang sindikato sa Rio.

Nagpakawala ng putok ang mga miyembro ng grupo laban sa mga pulis, dahilan upang magkagulo sa lungsod, magsara ang mga paaralan, at magtayo ng mga barikada gamit ang mga nasabat na bus.

Tinawag ni Rio Gov. Claudio Castro ang operasyon bilang “tagumpay,” ngunit tiniyak na paiimbestigahan ang pagkamatay ng apat na alagad ng batas.

Gayunman, binatikos ng mga NGO at ng United Nations Human Rights Office ang mataas na bilang ng mga nasawi at nanawagan ng imbestigasyon.

“Nauunawaan namin ang hamon ng pagharap sa mga mararahas at organisadong grupo, ngunit kailangang wakasan ng Brazil ang siklo ng matinding karahasan at tiyaking sumusunod ang mga operasyon ng pulisya sa pandaigdigang pamantayan,” ayon kay UN Human Rights Spokesperson Marta Hurtado. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here