MANILA, Philippines — Umapela si Mayor Ingatun Istarul ng Tipo-Tipo, Basilan sa pamunuan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na kontrolin ang kanilang mga miyembro upang maiwasan ang kaguluhan sa mga komunidad, matapos ang tangkang pag-atake ng mga armadong kalalakihan sa municipal government center ng bayan.
Ayon kay Istarul, kabilang sa mga umatake noong Martes ay ilang kabataang miyembro ng MILF na umano’y humahabol sa isang kawani ng lokal na pamahalaan na pinaghihinalaang sangkot sa pagpatay sa isang Islamic preacher noong Oktubre 21.
Nagkaroon ng palitan ng putok sa pagitan ng mga armadong kalalakihan at mga civil security personnel habang nagbantay ang mga sundalo at pulis upang pigilan ang pagkuha sa mga pasilidad, kabilang ang munisipyo.
Hindi bababa sa apat ang sugatan, habang umabot sa 12,000 residente ang nagsilikas patungong mga kalapit-bayan ng Ungkaya Pukan at Al-Barka.
“Bilang alkalde ng Tipo-Tipo, mariin kong kinokondena ang karahasang nagdulot ng panganib sa ating mga kababayan at nakagambala sa kapayapaan ng ating bayan,” pahayag ni Istarul.
Ayon sa alkalde, naparalisa ang operasyon ng bayan ng dalawang araw dahil sa tensiyong dulot ng mahigit 200 armadong kalalakihan.
Nanawagan si Istarul sa Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities (CCCH) at sa pamunuan ng MILF na paigtingin ang kanilang kontrol sa galaw at aktibidad ng mga miyembro upang maiwasan ang mga insidenteng katulad nito.
Ang CCCH ay mekanismong nilikha ng gobyerno at MILF upang maiwasan ang mga provokasyon at mabilis na maayos ang mga armadong sagupaan bilang bahagi ng proseso ng kapayapaan.
Nabatid na ang negosasyon para sa pag-atras ng mga armadong grupo ay pinangunahan ni Basilan Gov. Mujiv Hataman, base sa kanilang panawagang hustisya sa pagpaslang kay Ustadz Nadzri Tarahin.
Nag-ugat umano ang tensiyon noong Linggo nang mamaril ng walang pinipili ang dalawang lalaki sakay ng motorsiklo sa checkpoint ng Barangay Tipo-Tipo Proper. Nang habulin ng mga miyembro ng CAFGU, tumakas ang mga suspek patungo sa komunidad ng MILF.
Isa sa mga suspek ang nasawi at kalaunan ay kumalat ang usaping gantihan matapos ang kanyang libing.
Tinukoy ni Istarul na ang mga umatake sa Tipo-Tipo Proper ay mga kamag-anak at kaalyado ng nasawi, ngunit giit niya, hindi ito karaniwang rido (away-pamilya) kundi isang “organisadong armadong aksyon” na sinuportahan ng ilang elemento ng MILF.
“Ang insidenteng ito ay banta sa proseso ng kapayapaan at sa kaligtasan ng mga sibilyan,” aniya.
Sa pagbisita ni Hataman sa bayan noong Miyerkules, tiniyak niya sa mga residente ang seguridad at tulong mula sa pamahalaan.
Nag-ikot din ang mga bomb disposal experts upang alisin ang mga hindi sumabog na pampasabog sa paligid ng munisipyo.
Ayon kay PNP Acting Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., naglagay na ng mga checkpoint at patrols ang pulisya at militar upang mapanatili ang kaayusan sa bayan ng Tipo-Tipo. RNT/JGC